HINDI na nga naman mapipigilan ang pagsapit ng Pasko. Marahil ay marami sa atin ang excited na. Bukod sa may ilang araw na bakasyon ang mga estudyante at empleyado, ginagamit din ito ng marami upang makapagbakasyon o makatungo sa ibang lugar at maka-bonding ang mahal sa buhay.
Inaabangan nga naman ng marami ang pagsapit ng Pasko. Bukod sa nagiging masaya ang buong pamilya dahil sa iba’t ibang regalong natatanggap gayundin ang mga pagkaing kaysasarap na nakahain sa lamesa, sa mga panahon ding ito nagkikita-kita ang magkakapamilyang magkalayo.
Kakaiba nga naman ang Pasko rito sa Filipinas sapagkat tayo ang may pinakamahabang selabrasyon nito sa buong mundo.
Sa pagsapit pa nga lang ng “ber months” ay mauulinigan mo na ang mga pamaskong musika na kaysarap-sarap sa pandinig. Hindi lamang din sa mga tahanan makaririnig ng mga himig pamasko kundi maging sa mga coffee shop, restaurant, hotel, sari-sari store, opisina, telebisyon at radio.
At sa tuwing mauulinigan natin ang mga himig pamasko, hindi na nga naman maitatanggi na kay dali-dali ng panahon at ipag-diriwang na naman natin ang Pasko.
Nakaugalian na o kultura na ang pagdiriwang ng Pasko sa bansa. Bago pa lamang din ang pagsapit ng Pasko, puspusan na ang ginagawa ng maraming Filipino. Narito ang ilan sa mga paghahanda o ginagawa ng marami sa atin bago pa lamang natin ipag-diwang ang katangi-tanging okasyon:
PAGPAPATUGTOG NG MGA HIMIG PAMASKO
Kagaya nga ng sabi ko kanina, sa pagtuntong ng “ber months” ay hindi na maiaalis sa marami sa atin ang magpatugtog ng mga himig pamasko. Kaya nga’t maraming establisimiyento ang mauulinigan natin ang mga awiting ito.
Kunsabagay, mahilig nga naman sa musika tayong mga Pinoy. At kaya rin kaysarap pakinggan ang mga himig pamasko ay dahil sa ganda ng mensaheng ipinaaabot nito na talaga namang tatalab sa iyong puso.
PAGDEDEKORASYON NG TAHANAN
Hindi rin naman mawawala sa maraming Pinoy ang pagpapaganda at paglalagay ng dekorasyon sa kani-kanilang mga tahanan at opisina.
Kahit na sabihing nagsipagtaasan ang mga bilihin, hindi pa rin nakaliligtaan ng ilan ang maglagay ng dekorasyon—sa tahanan man iyan o sa lugar na kanilang pinagtatrabahuan.
May ilan na kung ano iyong dekorasyong mayroon sila noong nagdaang taon ay iyon pa rin ang ginagamit. Dinaragdagan na lang ng kaunting palamuti para mas gumanda. Ang ilan naman, gumagawa ng sarili nilang dekorasyon gamit ang iba’t ibang papel na makukulay.
Hindi nga rin naman kailangang bumili pa ng mamahaling pandekorasyon dahil sa rami ng puwede nating gawin ngayon, makagagawa tayo sa murang halaga at gamit ang ating pagiging creative.
Parol ang pinakasikat na simbolo ng Pasko sa bansa dahil isinasagisag nito ang bituin ng Bethlehem. Kaya naman, hindi nawawala ang mga parol sa bawat tahanan bilang simbolo ng Kapaskuhan.
KRIS KRINGLE
Sa mga opisina naman ay hindi nawawala ang Kris Kringle. Sa tuwing papalapit na nga naman ang Pasko, maraming magka-katrabaho ang nagsasagawa nito. May nakalaang presyo o halaga ang nasabing regalo. Nagbubunutan din ang mga magkakatrabaho para malaman nila kung sino ang kanilang bibigyan ng regalo. May ilan na para maging kakaiba naman, gumagamit ng code name at saka lamang ire-reveal ang kanilang katauhan sa mismong Christmas party ng opisina.
Kadalasan ay naglalaro sa 50 hanggang 100 ang halaga ng regalo sa Kris Kringle depende sa mapagkakasunduan ng magka-katrabaho.
Mga kakaibang regalo rin ang pinag-iisipan sa Kris Kringle. Minsan ay nakatatawa ang mga naiisip na regalo ng marami na nakapagbibigay rin ng ngiti sa mga magkakatrabaho.
PANGANGAROLING NG MGA BATA, MAGING MATANDA
Hindi na gaanong napapansin din sa Metro ang mga nangangaroling na mga bata, gayundin ang grupo ng mga matatanda.
Pero sa mga probinsiya ay hindi pa rin nawawala ang nasabing nakasanayan. Hindi nga naman kompleto ang Pasko kung walang mga bata o grupo na nagkakantahan sa labas ng bawat bahay sabay sabing “namamasko po” matapos nilang iparinig ang kanilang inihandang awitin.
Sa pangangaroling lalo na kung mga bata, hindi mahalaga kung sintunado dahil ang importante nag-enjoy ka sa iyong ginagawa. Barya at kendi lang din ay masaya na ang mga bata.
May mga grupo rin namang ginagawa ang pangangaroling para makatulong sa mga kapus-palad nating kababayan. Kumbaga, ang malilikom nila sa kanilang pangangaroling ay itutulong o ido-donate nila sa mga nangangailangan.
SIMBANG GABI
Siyempre pa, hindi maaaring mawala ang simbang gabi. Ang salitang Simbang Gabi ay nangangahulugang “pagsamba sa gabi”.
Naging bahagi na ang Simbang Gabi ng tradisyon at kultura nating mga Filipino.
Ito ay ang pagsisimba ng siyam na sunod-sunod na araw bilang paghahanda at pasasalamat sa pagsilang ng Banal na Mananakop na tumubos sa sangkatauhan.
Marami ang naniniwalang upang matupad ang iyong dinarasal o hinihiling ay kailangang matapos mo ang siyam na Simbang Gabi nang walang palya. Kaya’t marami sa atin ang sadyang pinaglalaanan ito. Sakripisyo at lakas ang kailangan sa gawaing ito. Kailangan mo nga naman kasing gumising ng maaga sa kabila ng lamig at antok na iyong nadarama para magtungo sa simbahan.
Bukod nga rin naman sa pag-asang matutupad ang mga hiling, nakapagdudulot din ang Simbang Gabi ng ginhawa sa puso, damdamin at kalooban.
PAGPAPAAGAW NG BARYA
May mga tahanan din at opisina na hindi pa rin nawawala ang pagpapaagaw ng mga barya. Hindi lamang din mga bata ang nakikiagaw sa isinasaboy na barya kundi maging matatanda. Ang ilan, iniipon ang nakuhang barya at hindi ginagastos sa buong taon.
May iba naman na naniniwalang ang baryang nakuha ay maaari lamang gastusin matapos ang walong araw.
Maraming pamahiin o nakasanayan tayong mga Pinoy. Hindi rin mabilang ang mga ginagawa nating paghahanda sa tuwing nalalapit ang pagsapit ng Pasko.
Gayunpaman, pagmamahalan at pagbibigayan ang tunay na tema ng Pasko kaya’t huwag na huwag natin iyong kaliligtaan.