BAKUNA VS TIGDAS SA PUPILS

BAKUNA

Target ng Department of Health (DOH) na palawakin pa ang kanilang measles vaccination activities sa bansa, at bakunahan na rin laban sa tigdas ang mga grade schoolers, o mga mag-aaral na nasa Kindergarten hanggang Grade 6, bago tuluyang magtapos ang School Year 2018-2019.

Ito’y kasunod na rin ng pagsapit ng panahon ng tag-init sa bansa, kung kailan inaasahan na mas mabilis na kumalat ang sakit na tigdas.

Sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III na sa ngayon ay patapos na ang pagbabakuna nila sa mga health centers, kung saan una nilang binakunahan ang mga batang nagkaka-edad ng limang taong gulang at pababa lamang.

Bago naman aniya tuluyang magsara ang klase sa public schools ngayong Abril 5 ay plano nilang bakunahan na rin ang mga school children.

Selective method lamang naman ang gagamitin nila sa kanilang school-based immunization program, na na­ngangahulugang hindi na babakunahang muli ang mga batang nakatanggap na ng dalawang dose ng Measles Containing Vaccine (MCV).

“We are targeting to vaccinate our schoolchildren at this time before school closes on April 5, since we are almost finished vaccinating in our health centers,” ani Duque.

Matatandaang pinaigting ng DOH ang pagbabakuna laban sa tigdas at iba pang mga sakit matapos na magkaroon ng measles outbreak sa ilang rehiyon sa bansa.

Batay sa pinakahuling datos ng DOH, umaabot na sa kabuuang 18,553 ang naitala nilang nabiktima ng tigdas mula Enero 1 hanggang Marso 7, 2019, at 286 sa mga ito ang binawian ng buhay.

Inaasahan naman ng DOH na unti-unti nang mababawasan ang mga nabibiktima ng sakit dahil marami nang mga bata ang nabigyan nila ng bakuna laban dito.

Nabatid na ang tigdas ay isang nakahahawang respiratory disease na sanhi ng virus at madali itong maipasa ng pasyente sa hanggang 17-kataong hindi nabakunahan sa kanyang paligid, sa pamamagitan lamang ng pagbahing, pag-ubo, at close personal contact.

Ilan sa mga sintomas ng sakit ay ubo, tumutulong sipon, pamumula ng mata o sore eyes, lagnat, at skin rashes na tatagal ng mahigit tatlong araw.

Binalaan naman ng DOH na hindi dapat na ipagwalambahala ang sakit dahil ang mga kumplikasyong nakukuha sa tigdas, gaya ng diarrhea, encephalitis o pamamaga ng utak, pneumonia o impeksiyon sa baga at iba pa, ay maaaring magdulot ng kamatayan.

Kaugnay nito, patuloy namang umaapela si Duque sa mga magulang at mga guardian na pabakunahan ang kanilang mga anak upang matiyak na hindi sila mahahawaan ng sakit.

“We continue to appeal to mothers and caregivers of children in Kinder to Grade 6 to have them vaccinated against measles, a tried and tested vaccine. Let us give our children a fighting chance to have a bright future,” aniya.  Ana Rosario Hernandez

Comments are closed.