BALIK-ENSAYO NG PBA TEAMS MALALAMAN NGAYON

on the spot- pilipino mirror

DAPAT daw abangan ang player ng De La Salle University na si Fil-African – American Jamie Malonzo. Si Malon­zo ay tubong Batangas kung saan ang ina nito ay isang Batangeña, habang ang father niya ay isang African-American. Ipinanganak ang 6’6 player sa Seattle, Washington. Naglaro ito sa isang sikat na unibersidad sa Tate pero mas pinili niyang pumunta sa Pinas at  blessing dahil naimbitahan siya ng La Salle na maglaro rito kung saan pangarap ni Jamie na makapasok sa PBA.

Nakapaglaro siya ng isang season sa UAAP kung saan may average siya na 17 points, 2.7 assists, at 9 rebounds per game. Pinasok niya ang PBA D-League na magiging daan niya upang makatuntong sa PBA. Ngayong 2020 PBA Draft ay makakasama si Malon­zo. Malaking bagay ito sa team na makakakuha kay Malonzo dahil multiple ang laro nito. Mahusay mag-dribble, may shooting sa labas at puwedeng center. Posibleng magkainteres sa kanya ang SMC Group, lalo na ang kampo ng Brgy. Ginebra dahil wala nang katuwang si Japeth Aguilar. Hindi na bumalik sa kanila si Greg Slaughter na naglalaro na sa European league. Good luck, Jamie Malonzo!

o0o

Excited ang mga da­ting manlalaro ng MPBL na sina Chris Botoon at Aris Dionisio. Si Botoon ay nasa kampo ng Blackwater Elite, habang si Dio­nisio ay nasa Magnolia Hotshots. Ayon sa dalawa ay ready sila sa physical game. Hindi na bago ang ganitong laro sapagkat sa MPBL ay ‘no blood, no foul’, ika nga. Nag-mature umano si Dionisio noong nakapaglaro ito sa semi pro league sa MPBL. Plano lang niya noon na pagkatapos ng pag-aaral sa Manila ay babalik na siya sa Bulacan. Satisfied na siya sa ganoon pero dumating ang magandang suwerte na nakuha siya sa draft ng Hotshots. Si Dionisio ay dating player ng Manila Star ni coach Philip Cezar.

Hindi lamang sina Botoon at Dionisio ang natawag sa PBA kundi ma­ging ang ilang kasamahan nila sa liga ni Sen. Manny Pacquiao tulad nina Ailyn Bulanadi (Basilan Steel at San Juan Knights) na napunta sa Alaska Aces at Mike Ayonayon na maglalaro sa NLEX Road Warriors. Malaki ang tiwala ni coach Yeng Guiao sa dating player ng Cebu Casino Ethyl Alcohol. Nakita nito ang tapang ni Ayonayon sa hardcourt.

o0o

Malaki ang tiwala ni GAB Chairman Baham Mitra na makababalik na sa linggong ito ang 12 teams ng PBA sa kani-kanilang regular practice. Sinabi ni Mitra na ang joint administrative order (JAO) na bumubuo ng mga patakaran at alituntunin ng lahat na inihanda  ng Department of Health (DOH), Philippine Sports Commission (PSC), at GAB ay ipalalabas nga­yong araw. Hinihintay na lamang ang pirma ni PSC Chairman Butch Ramirez upang tuluyan nang m­kabalik sa normal practice ang mga team, kasama na rito ang Philippine Football League (PFL).

Sinabi naman ni  PBA Kume Willie Marcial na sa sandaling lumabas ang order, ang mga koponan ay sasailalim muli sa  swab test. Dapat sana ay noong nakaraang Miyerkoles pa nagbalik sa ensayo ang mga PBA team subalit sa kabiguan na ma-secure ang JAO ay hindi ito natuloy.

Comments are closed.