HINDI naisip ni Maricel Laxa na magiging aktibo uli siya sa showbiz lalo na ngayong malalaki na ang kanyang mga anak. Sampung taon na siyang wala sa limelight, pero heto, mapapanood siya sa teleserye – at dahil ito sa anak niyang si Donny Pangilinan.
Kasama siya sa “Mano Po Legacy,” isang television drama anthology na adaptation ng pelikulang pinasikat ng Regal Entertainment. Mapapanood ito sa GMA 7 araw-araw, mula January 3.
Hindi rin naman basta-bastang artista si Maricel dahil Gawad Urian at Famas award winning actress naman siya, pero kuntento na siya sa buhay na maging ulirang asawa at ina sa kanilang limang anak. Kaya lang, lagi raw iginigiit ni Donny na tumanggap siya ng mga acting offers dahil sayang daw ang talent niya kung itatago lamang sa bahay.
Hindi raw naman niya masisi si Donny at ang iba pa niyang mga anak dahil magaganda talaga ang mga projects na ino-offer sa kanya, lalo na ang “The Family Fortune,” na walong linggong debut offering ng “Mano Po Legacy” na magsisimula sa pagkamatay ng business tycoon at leader ng Chan family, isa sa pinakaprominente sa Filipino-Chinese community.
Isa sa mga bida si Barbie Forteza. Nasa cast din si Sunshine Cruz.
Supportive naman sa career ni Maricel ang asawang si Anthony Pangilinan at ang iba pang mga anak na sina Ella, Hannah, Benjamin at Solana. – KAYE NEBRE MARTIN