BAN SA POULTRY IMPORTS SA 2 US STATES INALIS NA

INALIS na ng pamahalaan, sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA), ang temporary ban sa pag-aangkat ng domestic at wild birds mula sa dalawang  US states.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang pag-aalis ng  ban sa pag-aangkat mula sa Iowa at Minnesota ay agad na magkakabisa.

Sakop ng  ban, na ipinatupad magmula noong nakaraang taon, ang poultry, poultry products, at  by-products, kabilang ang day-old chicks at hatching eggs mula sa dalawang US states.

Ipinatupad ang temporary ban dahil sa outbreak ng avian influenza sa Iowa at Minnesota.

Sinabi ni Laurel na ang pag-aalis ng ban ay base sa official report ng US veterinary authorities sa World Organization of Animal Health na ang lahat ng apektadong  counties sa Iowa at Minnesota ay ligtas na sa highly pathogenic avian influenza cases magmula noong January 10, 2024.

Ang US ay major source ng poultry products para sa Pilipinas.

Sa ulat ng US Department of Agriculture’s Foreign Agricultural Service, noong 2023 ay nakapagpadala ito sa Pilipinas ng $180.5 million na halaga ng poultry meat at products, maliban sa mga itlog.