BATANG PIER KINALDAG ANG FIBERXERS

Mga laro sa Miyerkoles:
(Philsports Arena)
3 p.m. – Bay Area vs TNT
5:45 p.m. – Terrafirma vs San Miguel

SINAMANTALA ng NorthPort ang hindi paglalaro ni Converge import Quincy Miller upang maitakas ang 112-97 panalo na nagpalakas sa kanilang playoff bid sa PBA Commissioner’s Cup kahapon ss Araneta Coliseum.

Naputol ang seven-game winning streak ng FiberXers makaraang piliing hindi paglaruin ang dating NBA player sa hindi ibinunyag na dahilan.

Naka-uniform, si Miller ay kasama ng koponan sa bench ngunit hindi ipinasok.

Sa pagkawala ni Miller, ang Batang Pier ay umalagwa sa second half sa likod ng pananalasa sa third quarter ni rookie forward William Navarro, na tumapos na may career-highs na 29 points, 17 rebounds, at 9 assists.

Nagpakawala si Navarro ng 16 points sa third period kiung saan pinalobo ng Batang Pier ang 52-49 halftime lead sa 88-73 papasok sa final quarter.

Ang dating Gilas Pilipinas mainstay ay nagtala ng perfect 6-of-6 mula sa field, kabilang ang 2-of-2 clip mula sa arc, sa pivotal third quarter.

Nagsalansan si Robert Bolick ng 26 points, 10 assists, at 6 rebounds, habang kumamada si import Prince Ibeh ng 19 points, 15 rebounds, at 8 blocks sa ikatlong sunod na panalo ng NorthPort.

Nagdagdag si Arvin Tolentino ng 15 points at 7 rebounds para sa Batang Pier, na umangat sa 6-5, at lumapit sa quarterfinals.

Nagposte si Aljun Melecio ng 20 points, 8 assists, at 3 steals upang pangunahan ang FiberXers, habang tumirada si Jeron Teng ng 14 points at 7 rebounds.

Umiskor sina Maverick Ahanmisi at RK Ilagan ng tig-11 points para sa Converge na nahulog sa 8-3.

CLYDE MARIANO

Iskor:
NorthPort (112) – Navarro 29, Bolick 26, Ibeh 19, Tolentino 15, Sumang 9, Balanza 7, Ferrer 4, Ayaay 2, Chan 1, Caperal 0, Calma 0.
Converge (97) – Melecio 10, Teng 14, Ahanmisi 11, Ilagan 11, Tratter 9, Stockton 8, Arana 8, Browne 6, Racal 6, DiGregorio 2, Bulanadi 2, Ambohot 0.
QS: 28-18, 52-49, 88-73, 112-97.