BATANG PIER SOSOSYO SA LIDERATO

NORTH PORT

Mga laro bukas:

(Ynares Center-Antipolo)

4:30 p.m. – Columbian vs NorthPort

7 p.m. – Meralco vs San Miguel

PUNTIRYA ng NorthPort ang ikatlong sunod na panalo at sumalo sa pangunguna sa Phoenix sa pakiki­pagtipan sa Columbian Dyip sa pagpapatuloy ng aksiyon sa PBA Philippine Cup ngayong araw sa Ynares Center sa Antipolo.

Sasagupain ng Batang Pier ang Car Makers sa unang laro sa alas-4:30 ng hapon na susundan ng salpukan sa pagitan ng defending champion San Miguel Beer at ng Meralco sa alas-7 ng gabi.

Mataas ang morale ng Batang Pier sa dalawang sunod na panalo at tiyak na gagamitin nila ang momentum para talunin ang Car Makers na ga­ling sa pagkatalo sa Fuel Masters para malaglag sa 1-1 kartada.

Inaasahang magiging kapana-panabik ang laro ng Batang Pier at Car Ma­kers, tampok ang bakbakan nina Stanley Pringle at celebrated rookie CJ Perez na maghaharap sa unang pagkakataon.

Sinabi ni NorthPort coach Pido Jarencio na hindi puwedeng balewalain ang kakayahan ng Dyip na lumakas sa pagpasok ni Perez na tumatayo na bagong leader at sparkplug ng koponan offensively at defensively.

“We will play our best out there to ensure victory because Columbian Dyip is not an easy prey. We have to play as a team and pull our resources together throughout the game,” sabi ni Jarencio.

“Tinalo ng Columbian Dyip ang pinakamalakas na team sa liga, ang San Miguel Beer. Naghirap at ginamit lahat ang lakas ng Phoenix bago nanalo sa Columbian Dyip. Sa madaling sabi, hindi puwedeng biruin dahil kaya nilang baligtarin ang mesa sa kanilang pabor,” sabi pa ni Jarencio.

Makakatuwang ni Pringle sina Sean Anthony, Ryan Arana, Paolo Taha, Bradwyn Guinto, Jonathan Grey, Joseph Angelo Gabayni, Moala Tautuaa, Garbo Lanete at rookie Robert Bolick.

Nakahanda namang tumulong kay Perez sina Reden Celda, JP Calvo, Rashawn McCarthy, Jeremy King at Russell Escoto at babantayan nina big men Eric Camson, Jay-R Reyes at Philip Andreas Cahilig ang shaded lane para  hindi maka-penetrate ang Batang Pier.

Samantala, lamang ang SMB dahil loaded ito ng talents, sa pangunguna ng  twin towers nina five-time MVP June Mar Fajardo at Filipino-German Christian Standhardinger na pamamahalaan ang low post at pangungunahan ang opensiba.

Sina Fajardo at Standhardinger ang magiging sakit sa ulo ni Meralco coach Norman Black para malusutan ang defending champion.    CLYDE MARIANO

Comments are closed.