BATAS UPANG MALABANAN ANG TAGGUTOM AT KAHIRAPAN SA BANSA, ISINUSULONG

kahirapan

NANAWAGAN ang National Food Coalition, grupo ng isang pribadong sektor na madaliin na ang pagsulong sa nakabinbing bill sa Kongreso  ukol sa batas na naglalayong malabanan ang kahirapan at pagkagutom ng nakararami sa bansa.

Ito ay mas kilala sa “Right to adequate food frame bill o Zero Hunger Bill na tumutukoy sa karapatan ng bawat mamamayan sa wasto at masustansiyang pagkain kung saan matutugunan o matatapos na ang nararamdamang pagkagutom ng nakararami sa loob lamang ng sampung taon.

Batay sa SWS survey, mas marami ang pamilyang nakararamdam ng matinding pagkagutom na umabot sa 30.7 % kumpara noong March 2012 na nasa 23.8 % lamang.

Ayon naman sa World Food Program, climate issues at political challenges ang mga posibleng dahilan ng matinding pagkagutom na patuloy na hinaharap o nararanasan ng mga Pilipino.

“Dapat na may gawin ang pamahalaan upang masulosyunan ito. Kailangan na rin na magpasa ng panibagong Agrarian Reform Law na rerespeto sa karapatan ng mga indigenous people habang pinauunlad ang sektor ng agrikultura at fisheries,” ayon kay Aurea Miclat-Teves, presidente ng NFC.

Samantala, nagsagawa naman ng masusing konsultasyon ukol sa naturang isyu ang Inter Agency Task Force na pinamumunuan ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na dinaluhan ng mga academe representatives, non governmental and religious organizations, civil society group, at local government unit. MT BRIONES

Comments are closed.