POSIBLENG magbaba ng singil ang ride-hailing service Grab sa Pebrero dahil sa inaasahang pagkaunti ng mga pasahero pagkatapos ng holiday season.
Ayon kay Grab Philippines president Brian Cu, ang pagbuhos ng mga pasahero na nag-book ng rides sa kanilang app ay naobserbahan noong Disyembre 2019, na nag-udyok sa pagtaas ng kanilang pama-sahe.
“With that higher number of people booking the surge went up. If the app sees there is more de-mand, surge will start kicking in,” sabi ni Cu.
“We expect this to drop by February,” dagdag pa niya.
Noong Disyembre, ang Grab ay pinagmulta ng P16.15 million—P14.15 million sa hindi pagtalima ng kompanya sa pricing commitment nito, at P2 million sa paglagpas ng driver cancellations sa 7.76%, mas mataas sa napagkasunduang 5%.
Ani Cu, ang kakulangan ng partner-drivers ang sanhi ng problemang ito sa kanilang serbisyo.
Dahil dito ay hiniling niya sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mag-bukas ng mas marami pang slots para sa kompanya.
“We do hope that LTFRB opens up new slots. The root of this situation is the lack of supply. If we don’t have any supply, we can’t get public transport going,” dagdag pa niya. PILIPINO Mirror Reportorial Team