NAKABALIK ang Barangay Ginebra kontra Meralco sa Game 3 ng best-of-7 PBA Governors’ Cup Finals sa Araneta Coliseum noong Linggo. Abante ang Gin Kings sa 2-1.
Naputukan pa ng kaliwang kilay si L. A Tenorio pero hindi pa rin napigilan ang player upang tulungan ang team na maiuwi ang panalo. Nakagawa siya ng 11 points, 2 rebounds at 4 assists.
Iba rin naman itong si Japeth Aguilar na kung kailan nag-asawa ay lalong humusay sa paglalaro. Naging inspirado siya dahil sa kanyang Fil-Korean wife na very supportive sa kanya. Kakaibang Aguilar ang napapanood ng fans sa kasalukuyan. Matapang sa ilalim, pati sa pag-rebound ay halimaw na rin. Naging shooter. Humakot si Japeth ng 23 puntos at kung hindi magbabago ang pulso ng tropa ni coach Tim Cone ay hindi malayong masikwat nila ang kampeonato. Lalo na si Aguilar na matindi ang nilalaro.
Sayang din naman ang pagpupursige ng kampo ng Meralco na lumalaban nang sabayan sa Ginebra. Nakakahabol sila at tumatabla pa. Malaking bagay si Raymond Almazan na nadale ang tuhod. Mali ang pagbagsak ng isang paa niya nang mag-rebound ito. Pagbagsak niya ay nag-twist ang kaliwang tuhod nito. Hoping na hindi masama ang tama ni Almazan para makapaglaro pa siya the rest of the finals. Bagama’t nawala si Almazan sa 5:55 ng first quarter, tuloy pa rin ang laban ng kanyang teammates lalo na ang kanilang import na si Allen Durham. Hoping nga si Almazan na hindi grabe ang tama ng kanyang tuhod.
Napabilib naman kami ni Travis Jackson na matapang ding maglaro, walang sino-sino kahit pa si L. A Tenorio ang kanyang binabantayan. Mahusay ang depensa ng mama na ito. Si Jackson ay nakapag-ambag ng walong puntos. Bawi, Meralco.
Grabe, iba talaga kapag ang Ginebra ang pumasok sa finals. Dinudumog ito ng mga supporter nila. Maaga pa lang ay mahaba na ang pila sa Araneta Ticket net. Pero ang mabibili na lamang nila doon ay Upper Box, General Admission at SRO. Alas-3 pa lang ng hapon ay nakapila na ang mga tao para makabili ng ticket at siyempre, ang mga scalper ay tiba-tiba na naman. Sasamantalahin nila ito dahil bihira silang kumita sa mga laro ng PBA. Kada may Ginebra lang sila napapangiti.
PAHABOL: Congrats sa PBA at may bagong partner sila ngayon, ang HAIER, pawang appliances ito. Siguradong mamimigay na naman sila sa kanilang mga pa-contest. Happy birthday sa aming friend na si Ka Heidi Abalos yesterday. More birthdays to come, and good health. Sama-sama pa tayong tutupad sa ating banal na tungkulin. From Marita Bunagan and yours truly.
Comments are closed.