BEERMEN-KINGS TITULAR DUEL SIMULA NA

GINEBRA-VS-BEERMEN

Laro ngayon:

7 p..m.

San Miguel Beer Vs Ginebra (Game 1)

KAPATID laban sa kapatid.

Ito ang tema sa laro ng sister teams San Miguel Beer, ang defending Commissioner’s Cup champion, at Barangay Ginebra, na magsasagupa sa best-of-seven finals na magsisimula ngayong araw.

Nakatakda ang laro sa alas-7 ng gabi sa Ara­neta Coliseum. Naisaayos ng Beermen at Kings ang championship showdown makaraang pataubin ang kani-kanilang katunggali sa parehong iskor, 3-1, sa best-of-five semifinals.

Sina Austria at Cone ay ­kapwa champion coach. Kung bilang ng korona ang pag-uusapan, nakalalamang si Cone na may 18 titulo kumpara kay Austria na may anim. Si Cone ang tanging coach sa PBA na nanalo ng dalawang grandslams noong 1999 at 2014 at iginiya ang national team sa Jones Cup sa Chinese-Taipei.

Bukod sa anim na PBA crowns,  ginaba­yan din ni Austria ang SMB sa ASEAN Basketball League matapos kunin ang coaching job kay da­ting SMB import Bobby Parks.

Ito ang ikalawang beses na magsasagupa sa finals ang SMB at Barangay Ginebra at umaasa ang kani-kanilang fans na magi­ging kapana-panabik ang title showdown ng sister teams.

Sa tao at import matchup ay halos patas ang dalawang koponan. Sina Renaldo Balkman at Justine Brownlee ay kapuwa maaasahan. Sa low post ay patas din ang match up nina June Mar Fajardo at Filipino-German Christian Starhardinger ng SMB laban kina Japeth ­Aguilar at Fi­lipino-American Greg Slaughter ng Ginebra.

Sa frontline ay nandiyan sina Alex Cabagnot, Marcio Lassiter, Chris Ross at Arwind Santos kontra LA Tenorio, Scottie Thompson, Sol Mercado at Kevin Ferrer.

“We have to play superior game against Barangay Gi­nebra. Mabigat ang aming kalaban,” sabi ni Austria.

Inamin naman ni Cone na tagilid ang kanilang title campaign laban sa reigning champion at upang magtagumpay ay kailangan nilang kumayod nang   husto.

“We have to put premium in our offense and solidify our defense to succeed,” sambit ni Cone. CLYDE MARIANO

Comments are closed.