HINIMOK ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda ang pamahalaan na palakasin pa ang agriculture sector sa bansa.
Kasunod ito ng babala ng International Monetary Fund (IMF) na ang mga umuusbong na ekonomiya tulad ng Pilipinas ay mahaharap sa “economic turbulence” bunsod na rin ng mga kaganapan sa monetary policy ng Estados Unidos at ng pagtaas ng kaso ng Omicron variant.
Naniniwala si Salceda na ang depensa ng ekonomiya ng bansa ay nakasalalay sa matatag at malakas na sektor ng agrikultura.
Paliwanag ng kongresista, ang kalakasan ng agricultural sector ang tutukoy sa kabuuang epekto sa inflation at sa wage pressure.
Kung mataas, aniya, ang presyo ng pagkain, ang pressure sa pagtaas ng sahod ay malakas din, pero ito ay magreresulta sa isang labor market na hindi competitive para sa mga mamumuhunan.
Kaya naman agad na tatrabahuin ng mambabatas sa pagbabalik-sesyon ang pagpapabilis sa rollout ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), pagpapahusay ng biosafety sa agricultural imports, pagtiyak sa implementasyon ng rice farmers financial assistance program at pagsisimula ng subsidy program para sa inorganic fertilizers.
Ilan pa sa mga ilalatag ng kongresista sa mga huling buwan ng termino ng Duterte administration ang policy reforms para i-modernisa ang pagsasaka at pangingisda, isulong ang sustainable forestry at ibaba ang presyo ng feeds at fertilizers (abono). CONDE BATAC