BETERANANG GURO, HATID AY MGA LIVELIHOOD TRAININGS SA TACLOBAN

HIGIT 20 taon nang nagtuturo ng Basic First Aid at iba pang health-related modules si Dr. Ma. Melba Labita Esquibel sa National Maritime Polytechnic (NMP) nang maisipan niyang  itatag ang Tacloban Central Institute of Technical Studies Inc. (TCITSI) sa Tacloban City, isang technical/livelihood training center para sa mga nais maging skilled workers.

Sa kanyang karera bilang isang guro at ngayon ay tagapamahala na ng TCITSI, marami nang naturuan at natulungan si Dr. Esquibel. Dahil sa kanyang serbisyo, ngayong taong 2020, sa ika-10 anibersaryo ng kanyang Technical Vocational Institute (TVI), isa siya sa mga hinirang na Idol ng TESDA.

Sa ngayon ay mayroong 22 empleyado ang TCITSI na siyang nangangasiwa ng mga pagsasanay, at iba pang mga gawain sa opisina. Maliban sa Technical Vocational Education and Training (TVET), nagsasagawa rin ang TCITSI ng Community Extension Program kung saan nagbibigay sila ng livelihood trainings gaya ng paggawa ng tocino, peanut butter, at skinless longganisa sa kanilang mga kalapit na komunidad.

Beteranang guro.jpg

Mayroon ding pagsasanay sa Massage Therapy ang paaralan. Sa kasalukuyan, mayroon nang 10 nagtapos sa TCITSI na nagtatrabaho na sa mga luxury ship bilang massage therapists.

Sa susunod na taon, balak ni Dr. Esquibel na magtayo ng branch sa Brgy. Bagacay at bayan ng Tunga sa Leyte upang madagdagan pa ang kanilang maturuan at mapagserbisyuhan. Plano nya ring dagdagan pa ang qualifications sa kanyang training institute para mas marami pa silang matulungang makahanap ng trabaho.

Ani Dr. Esquibel, “Para sa ating mga kababayan na nais magtayo ng negosyo, dapat kayo po mismo ang mag-aral o kumuha ng kurso sa TESDA. Kung matatandaan ninyo ang slogan ng TESDA, “TESDA Abot Lahat” ibig sabihin walang pinipili na kliyente o beneficiary.”

Payo rin niya sa mga nais magtayo ng training institute, aralin nang maigi ang industriyang papasukin at alamin ang mga serbisyong nais ibahagi, kabilang na ang mga kakailanganin sa pagpapatakbo at pagpapaunlad nito.

Comments are closed.