BIG TIME OIL PRICE HIKE

OIL PRICE HIKE

ISANG malakihang pagtataas sa presyo ng mga produktong ­petrolyo ang sasalubong sa mga motorista bukas.

Ito na ang ika-8 sunod na linggo na may dagdag sa ­presyo ng petrolyo.

Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Chevron Philippines Inc. (Caltex), Flying V, Petron Corp., Pilipinas Shell Petroleum Corp., at SEAOIL Philippines Inc. na sisirit ang ­presyo ng kanilang diesel ng P1.35 kada litro, gasolina ng P1 kada litro, at kerosene ng P1.10 kada litro.

Magpapatupad din ang Eastern Petroleum Corp., Petro Gazz, Phoenix Petroleum Philippines Inc., PTT Petroleum Philippines Inc., TOTAL Philippines Inc., at Unioil Petroleum Philippines Inc. ng parehong taas-presyo maliban sa kerosene.

Ang adjustments ay epektibo ngayong alas-6 ng umaga.

Inaasahang mag-aanunsiyo na rin ang iba pang oil companies ng pagbabago sa presyo ng kanilang mga produktong petrolyo ngayong linggo.

Noon lamang nakaraang linggo, ang presyo ng gasolina ay tumaas ng P0.40, diesel ng P0.20, at kerosene ng P0.10.

Sa pinakabagong datos mula sa Department of Energy (DOE), ang presyo ng  gasolina sa bansa ay naglalaro sa P51.55 hanggang  P65.35; diesel, P44.30 hanggang P53.55; at kerosene, P48.72 hanggang P58.85.

Ayon kay Rodela Romero, assistant director ng Oil Industry Management Bureau ng DOE, ang price hike ay bunga ng mga kaganapan sa ibang bansa tulad ng paggalaw ng presyo sa pandaigdigang merkado, kaguluhan sa Middle East at pagbaba ng produksiyon ng Venezuela.

Comments are closed.