BIG TIME OIL PRICE HIKE INAASAHAN DAHIL SA SAUDI ATTACK

OIL PRICE HIKE-3

INAASAHAN ang malakihang dagdag sa presyo ng mga produktong petrolyo sa mga darating na linggo sa pagsipa ng global prices kasunod ng mga pag-atake sa oil facilities ng Saudi Arabia

Ayon sa source sa Department of Energy (DOE), base sa oil trading simula Setyembre 16 hanggang Setyembre 18, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay maaaring tumaas ng P2.59 at diesel ng P1.89.

Isa pang source ang nagsabing maaaring sumirit ang presyo ng gasolina ng mula P2.10 hanggang P2.30 kada litro, at diesel ng mula P1.60 hanggang P1.80 kada litro.

“The price movements are a reflection the Mean of Platts Singapore (MOPS). The local oil industry uses MOPS, the daily average of all trading transactions between buyer and seller of petroleum products as assessed and summarized by Standard and Poor’s Platts.”

Maaari pang magbago ang pagtaya, depende sa resulta ng trading kahapon.

Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustment tuwing Lunes ng linggo, na ipinatutupad tuwing Martes.

Inako ng Iran-aligned Houthi group ng Yemen ang responsibilidad sa pag-atake sa dalawang planta sa pusod ng oil industry ng Saudi Arabia noong Setyembre 14, na nagpabagsak sa mahigit kalahati ng output ng Kingdom.