BIKTIMA NG MAIL ORDER BRIDE NAHARANG SA NAIA

ISANG biktima ng mail order bride scheme na patungo sana sa China at nagpakita pa ng genuine na dokumento ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon sa mga miyembro ng BI- Immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) na ang nasabat ay isang 20-anyos na babae na hindi pinangalanan at iniskortan ng isang 34-anyos na lalaking Chinese.

Ang biktima ay papunta ng Shenzhen, China kasama ang umano’y kanyang asawa at pasakay sana ng Air Asia flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

“The immigration officer said both the victim and the suspect acted very suspiciously when asked about their supposed marriage,” ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco.
Bunsod nito, ini-refer sila sa mga opisyal ng I-PROBES kung saan hindi masagot ng biktima ang ilang mga katanungan hinggil sa kanilang pagpapakasal.

Nagpakita pa ang babae na ikinasal sa isang restaurant sa Pasig City.

Sa isinagawang inspeksiyon ng BI forensic documents laboratory nakita na genuine ang dokumento.

“However, our officers were alert enough to be suspicious of their statements, having seen several cases like it before,” ani Tansingco.

Pero sa bandang huli, inamin ng biktima na wala talagang naganap na kasalan at ang kanilang marriage certificate ay inayos lamang ng kanyang Chinese escort sa pamamagitan ng isang ahente.

Inamin nila na nagbayad sila ng halagang P45,000 para sa pag-proseso ng genuine na dokumento bagaman peke ang mga detalye.

“This is obviously another case of the mail order bride scheme that has resurfaced recently,” ani Tansingco.

“In these scheme, victims are made to pretend to be the spouse of a foreign national, but they end up as pseudo wives doing domestic work in their destination,” dagdag pa nito.

Ang dalawa ay in-turn over sa Inter-Agency Council Against Trafficking para sa imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
PAUL ROLDAN