PANGALAGAAN ANG MGA KAGUBATAN. Nakilahok ang mga Meralco employee volunteers sa isang tree-planting activity sa San Miguel, Bulacan sa ilalim ng programang One for Trees. Kamakailan lang ay ipinagdiwang ng One for Trees ang pag-abot sa mahigit dalawang milyong punong naitanim at inaalagan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
NAPANSIN NG 61-anyos na si Gloria Lusica ang nakakabahalang kalagayan ng mga kagubatan sa bansa dahil patuloy na nababawasan ang mga puno. Hindi rin niya maitanggi ang malaking kaibahan sa estado nito noong kanyang kabataan.
“Dati marami at malalago ang mga puno dito sa amin. Nakakalungkot lang na onti-onti na itong nauubos. Sa tingin ko itong mga natitirang mga puno ay hindi na kami kayang protektahan,” ayon kay aling Lusica, na taga Pilar, Bohol.
Batay sa datos ng pamahalaan, halos 24% ng kagubatan sa bansa ang nawala dahil sa mga ginawang deforestation nitong nagdaang mga taon.
Bilang pagtugon sa nasabing problema, inilunsad ng Manila Electric Company (Meralco) ang environmental advocacy program nitong One for Trees sa pangunguna ng One Meralco Foundation (OMF), ang social development arm ng kumpanya.
Layunin ng programa na pangalagaan at protektahan ang mga kagubatan ng Pilipinas sa pamamagitan ng reforestation at agroforestry.
Nitong nakaraang Earth Day 2023, ipinagdiwang ng One Meralco ang pagkamit ng dalawang milyong punong naitanim sa ilalim ng program. Matatagpuan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa, ang mga punong ito na kasalukuyang pinangangalagaan sa tulong ng mga partners ng One Meralco sa komunidad.
Patuloy ang isinasagawang pagtatanim ng One Meralco bilang bahagi ng layunin nito na paabutin sa limang milyon ang mga punong inaalagaan nito sa ilalim ng One for Trees pagsapit ng tanong 2026.
Sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang organisasyon, nagsasagawa ang One for Trees ng mga tree planting activity na naghahatid ng malaking tulong sa mga komunidad. Hindi lamang sa mga lugar na sakop ng serbisyo ng Meralco ipinatutupad ang programa. Sa katunayan, umaabot ito hanggang Visayas at Mindanao partikular na sa mga probinsya ng Bohol, Bukidnon, Aklan, Agusan del Norte, Panay, at Cebu.
Layunin ng mga inisyatiba ng One for Trees kaugnay ng reforestation ang buhayin muli ang mga kagubatan, makapagbigay ng hanapbuhay sa mga maliliit na komunidad, bigyang proteksyon ang mga watershed sa bansa, at pagtibayin ang ating mga natural na proteksyon laban sa mga bagyong pumapasok at nananalanta sa bansa.
“Maliban sa pangangalaga ng kalikasan, hangad ng One for Trees na makatulong na makapagbigay-kabuhayan ng mga komunidad na nangangalaga sa mga punong itinatanim sa ilalim ng programa,” sabi ni OMF President at Meralco Chief Corporate Social Responsibility Officer Jeffrey O. Tarayao.
Pagtulong sa mga komunidad
Malaking tulong ang programang One for Trees sa mga komunidad dahil nakapagbibigay ito ng kabuhayan sa mga pamilya kung saan sila rin mismo ang nakikinabang sa kanilang pagtatanim at pagaaruga sa mga puno.
Sa bayan ng San Miguel, Bulacan, higit 100 pamilyang naatasan magtanim at mangalaga ng mga puno ang natulungan ng One for Trees sa pakikipagtulungan nito sa Green Earth Heritage Foundation.
Ayon kay Dr. Mylene Matti, Executive Director ng Green Earth: “Ang reforestation ay hindi natatapos sa pagtatanim ng puno, at alam namin na kinakailangan ng tulong ng maraming indibidwal sa pangangalaga ng mga ito.
Mapapangalgaan nang maayos ang mga puno kung mabibigyan ng sapat na kaalaman ang mga nais tumulong ukol sa tamang pagtatanim at pangangalaga sa mga ito.
Isa sa mga tinulungan kamakailan ng programa ang Bakhawan Ecopark na matatagpuan sa gitna ng Kalibo sa Aklan. Ipinangako ng OMF na susuportahan ang rehabilitasyon ng nasabing mangrove forest na may lawak na sampung ektarya.
Kasama ang Kalibo Save the Mangroves Association, Inc. (KASAMA), ang tagapangalaga ng Bakhawan Ecopark, nagtanim ng 100,000 puno ng bacauan at api-api ang OMF upang muling buhayin ang kagubatan.
Halos 200 na miyembro ng KASAMA ang inatasang mangalaga sa mga bagong tanim na puno sa loob ng susunod na tatlong taon. Mula pa 1990’s, masugid nang isinusulong ng asosasyon ang reforestation ng nasabing ecopark.
Sa Agusan del Sur naman, sinuportahan ng One for Trees ang tribo ng mga Manobo sa kanilang isinagawang reforestation upang protektahan at pangalagaan ang ilog ng Taguibo —isang kritikal na bukal ng tubig para sa kanilang komunidad. Sila ay nagtanim ng mga puno sa mga barangay ng Anticala at Pianing upang mapangalagaan ang Taguibo Watershed.
Lubhang umaasa sa mga benepisyo at trabahong dala ng One for Trees ang mga miyembro ng komunidad sa Agusan del Sur katulad na lamang ni mang Danilo Dandanon Sr.
“Bukod sa perang aking kinikita, napag-tanto kong ang ginagawa ko ay nakatutulong din sa pagbibigay ng proteksyon at pangangalaga sa aming lugar, na siya ring pinanggagalingan ng mga pangangailangan ko sa araw-araw,” ayon kay mang Danilo.
Sa patuloy na pagdami ng mga probinsyang naaabot ng One for Trees, binigyang diin ni Tarayao ng OMF ang matinding pangangailangan sa karagdagan pang mga tulong mula sa mga indibidwal, organisasyon, at iba pang stakeholder upang maipagpatuloy ang kanilang mga inisyatiba.
Ayon naman kay Meralco President at Chief Executive Officer at OMF Vice Chairman Atty. Ray C. Espinosa, bahagi ang reforestation sa pagsusulong ng One Meralco ng sustainability hindi lamang sa operasyon ng kumpanya kundi pati na rin sa komunidad.
Ang One for Trees ay isa sa mga pangunahing inisyatiba sa ilalim ng sustainability agenda ng One Meralco na “Powering the Good Life”. Ito ay naka-batay at sumusuporta sa iba’t ibang United Nations Sustainable Development Goals.
Nakasentro ang programang ito sa paghahatid ng mga sustainable na solusyon gaya ng reforestation at pagkalinga sa mga kagubatan ng Pilipinas na tutugon sa mga hamon sa kalikasan. Bahagi rin ng pinagtutuunan ng pansin ng programa ang pagtulong sa mga lokal na komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabahong tumutulong sa konserbasyon at pagbibigay proteksyo sa kalikasan.