PLANO ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na doblehin pa ang dami ng free Wi-Fi sites sa bansa ngayong taon upang suportahan ang implementasyon ng E-Local Government Unit (eLGU) ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ang karagdagang free Wi-Fi sites ay itatatag sa ilalim ng Broadband ng Masa program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang Broadband ng Masa program ang flagship digitalization project ng administrasyon. Alinsunod ang inisyatibang ito sa commitment ni Pangulong Marcos na palawakin ang internet services sa buong bansa, partikular na sa mga liblib na lugar.
Overall goal ng programang ito ang makapag-connect ng 70 million free Wi-Fi users.
Ayon sa ulat ni DICT Undersecretary David Almirol Jr. sa isang press briefing sa Malacañang noong January 24, 2024, mayroon nang 25,000 free Wi-Fi sites sa buong Pilipinas bago natapos ang 2023.
Samantala, ang eLGU ay isang one-stop mobile application kung saan maaaring magproseso ng ilang serbisyo tulad ng business permit licensing, real property tax, health certificates, community tax, at iba pa.
Upang mas maging epektibo ang implementasyon ng eLGU, ayon kay USec. Almirol, kailangang paramihin ang libreng Wi-Fi lalo na sa LGUs.
Dagdag pa niya, habang ipinatutupad ng DILG, DICT, at Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang eLGU, kailangan itong samahan ng connectivity.
Sa kaparehong press briefing, sinabi ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. na pinasimple na ng ahensiya ang proseso sa ilang serbisyo ng pamahalaan upang tuluyan nang maipatupad ang actual digitalization ng LGUs.
Aniya, mas mabilis nga lang kung cellphones ang gagamitin dito. Mas bibilis din ang proseso kung may reliable internet saan mang bahagi ng Pilipinas.
Nais ni Pangulong Marcos na maging accessible para sa bawat Pilipino ang internet. Para sa kanya, ang pagkakaroon ng digital initiatives, tulad ng broadband program at eLGU, ay kritikal sa pagpapaunlad ng bansa.
DWIZ 882