BINATA SINAKSAK, INIHULOG SA BALON, 8 SUSPEK WANTED

sinaksak

ISABELA- ISANG naaagnas na bangkay ang natagpuan ng mga kagawad ng pulisya sa isang balon matapos na isang testigo ang kusang nagtungo sa himpilan ng Cauayan City Police Station, na may inihulog na bangkay na lalaki sa balon sa Dacanay Street Extention, San Fermin, Cauayan City.

Kinilala ng mga tauhan ni P/Lt. Col. Nelson Z. Vallejo hepe ng Cauayan City Police Station ang natagpuang bangkay sa balon na si Edward Dalog, 29, residente ng Labinab, Cauayan City na tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nagtungo sa himpilan ng pulisya si Lara Joy Atilano, nasa hustong gulang hingil sa umano’y pana­naksak kay Dalog hanggang sa mamatay at itinapon ang kanyang bangkay sa balon na may lalim na 30 metro.

Sa pagtugon ng mga kagawad ng pulisya sa lugar ay napatunayan nilang positibo ang pagsumbong  ng tumatayong testigo kaya isinagawa ang recovery operation kasama ang mga miyembro ng Rescue 922 Cauayan City, Isabela.

Sa follow-up operations ay natukoy ng mga miyembro ng Cauayan City Police Station ang umano’y mga suspek sa krimen na sina Macmac Taguinin, 22 anyos, residente ng District 1, Cauayan City; Patrick Baretto, residente ng District 2, Cauayan City; Jimbo Dumelod, residente ng District 1, Cauayan City; Marvin Feliciano, residente ng District 1, Cauayan City; Glaiza Satchi, residente ng Cabaruan, Cauayan City; Alona De Leon, residente ng District 1, Cauayan City; isang alyas Bitoy na residente District 1, Cauayan City at isang alyas Pallaya.

Sa pahayag ng testigong si Lara Joy Atilano, may isang buwan na ang nakaraan ay nakita niya umano na may inihulog na bangkay sa balon.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang motibo sa karumal-dumal na pagpatay kay Dalog.

Sa pagtugon ng mga pulis ay napatunayan nilang positibo ang sumbong kaya isinagawa ang recovery operation kasama ang mga miyembro ng Rescue 922. IRENE GONZALES

Comments are closed.