BINATILYO KINASUHAN NG SNATCHING NAG-BIGTI

bigti

VALENZUELA CITY– WINAKASAN ng 17-anyos na umano’y sangkot sa robbery snatching ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa isang punong kahoy sa harap ng kanilang bahay sa nasabing lugar kahapon ng madaling araw.

Nakilala ang biktima na si alyas Frank na natagpuan ng kanyang ama na si Francisco na naka-bigti sa puno ng duhat sa harap ng kanilang bahay sa Brgy. Bignay bandang alas-4 ng madaling araw.

Agad humingi ng tulong ang ama ng biktima sa kanilang mga kapitbahay saka pinutol ang electric cord na nakapulupot sa leeg ng biktima at pinagtulungan ibaba ang katawan nito bago ini-report ang insidente sa Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 7.

Ayon kay Valenzuela police chief Senior Supt. David Nicolas Poklay, inamin ng ama na ang kanyang anak ay sinampahan ng kasong robbery snatching with physical injuries kasama ang isa pa sa Meycauayan, Bulacan City Prosecutor’s Office.

Sinabi pa ni Francisco sa pulisya, bago ang insidente ay nakatanggap ng summon ang anak na kailangan siyang dumalo sa pag-dinig, Biyernes ng umaga.

Napag-alaman din ng pulisya na bago ang pagpapakamatay ng biktima, nag-post ito ng salitang “PAALAM” sa kanyang facebook account dakong alas-3:47 ng madaling araw, 13 minuto bago nadiskubre ang kanyang katawan na nakabigti sa puno.

Ayon pa kay Sr. Supt. Poklay, lumagda ang ama ng biktima sa isang waiver na nagpapahayag na hindi na sila interesado sa isasagawang imbestigasyon at autopsy sa katawan ni Frank James sa paniwalang walang naganap na foul play sa pagkamatay ng anak. EVELYN GARCIA

Comments are closed.