BLAZERS TINUSTA ANG NUGGETS

suns vs blazers

NAGBUHOS si Anfernee Simons ng 29 points, kabilang ang pitong 3-pointers, upang pangunahan ang Portland Trail Blazers sa 135-110 panalo kontra Denver Nuggets.

Ito ang ika-4 sunod na panalo ng Blazers para mainit na simulan ang season.

Tumirada si Simons ng 22 points at anim na tres sa third quarter pa lamang at ang Portland ay naging tanging 4-0 team sa NBA.

Tumapos si Damian Lillard na may 31 points at 8 assists para sa Blazers, na kinontrol ang laro sa second half matapos ang mabagal na simula. Ang huling pagkakataon na nagsimula sila sa 4-0 ay noong 1999.

Umiskor si Aaron Gordon ng 26 para sa Nuggets (2-2). Nalagay si Nikola Jokic, nagtala ng magkasunod na triple-doubles sa huling dalawang laro ng Denver, sa foul trouble at tumapos na may 9 points, 9 rebounds at 9 assists.

Maagang lumamang ang Nuggets, sa kanilang mas malaking lineup, ng 11 points. Isang dunk ni Gordon ang nagbigay sa Denver ng 53-40 bentahe.

76ers 120, Pacers 106

Kumana si James Harden ng 29 points at 11 assists, at nagdagdag si Joel Embiid ng 26 points upang pangunahan ang Philadelphia 76ers sa unang panalo sa season kontra Indiana Pacers.

Nagsimula ang Sixers sa 0-3, kung saan natalo ito sa unang dalawang laro laban sa Eastern Conference contenders Boston at Milwaukee.

Nagpakawala si Embiid ng 40 points sa pagkatalo sa San Antonio kung saan sinamahan ng Sixers ang Orlando bilang tanging East teams sa 0-3.

Naibuslo ni Harden ang 10 sa 18 tira mula sa floor at isinalpak ang dalawang sunod na tres sa fourth na nagpalobo sa kalamangan sa 109-95.

Nanguna si Tyrese Haliburton para sa Pacers na may 19 points at 10 assists. Tumipa si Buddy Hield ng 18 points.

Sa iba pang laro ay nilapa ng Grizzlies ang Nets, 134-124; binomba ng Rockets ang Jazz, 114-108; ginapi ng Raptors ang Heat, 98-90; namayani ang Knicks sa Magic, 115-102; ibinasura ng Spurs ang Timberwolves, 115-106; at sinuwag ng Bulls ang Celtics, 120-102.