BUMAWI ang Meralco mula sa runner-up finish sa inaugural tournament ng PBA 3×3 makaraang pataubin ang Platinum Karaoke, 21-16, upang kunin ang second leg crown Huwebes ng gabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Pinangunahan ni Tonino Gonzaga ang maagang pananalasa ng Bolts, na kinabibilangan din nina Joseph Sedurifa, Dexter Maiquez, at Alfred Batino tungo sa pagsikwat ng korona at ng P100,000 top prize.
Naitala ni Gonzaga ang tatlo sa unang apat na puntos ng Bolts sa larong hindi sila kailanman naghabol.
Lumapit ang Platinum sa dalawang puntos, 18-16, kasunod ng late baskets ni Karl Dehesa subalit tinapos ni Sedurifa ang laro sa pamamagitan ng isang field goal at isang two-pointer.
Nanguna si Gonzaga para sa Bolts na may 7 points, habang nagdagdag si Sedurifa ng 6. Tumipa sina Maiquez at Batino ng 5 at 3 points, ayon sa pagkakasunod, para sa Patrick Fran-coached team.