Mga laro bukas:
(Ynares Arena-Pasig)
5 p.m. – Terrafirma vs NLEX
7:30 p.m. – TNT vs Magnolia
DETERMINADO si Justin Arana na wakasan ang sunod-sunod na pagkatalo ng Converge sa PBA On Tour.
Subalit may sariling agenda si Rashawn McCarthy at ang kanyang Blackwater teammates na nagtulak sa kanila para maitakas ang 102-97 panalo kontra FiberXers sa Ynares Arena sa Pasig City kagabi.
Naitala ni McCarthy ang 13 sa kanyang team-high 30 points sa fourth quarter, na naging tuntungan ng Bossing para malusutan ang pananalasa ni Arana sa second half na nagbigay sa huli ng tournament-high 32 points bukod sa 17 rebounds.
Sa panalo ay balik sa porma ang Blackwater matapos ang 95-112 pagkatalo sa NorthPort noong nakaraang Biyernes at umangat sa 3-2 kartada.
Sinabi ni McCarthy, na pumasok sa laro na may average lamang na 9.3 points, na committed ang kanyang buong koponan para makabalik sa winning track.
“We just really wanted to bounce back after our last game against NorthPort. The coaches and all my teammates are really locked in the past couple of days in practice. We were just locked in from the very beginning, defensively,” wika ni McCarthy.
Si McCarthy ay nakakuha ng suporta mula kina Baser Amer at Rey Suerte na tumipa ng tig-12 points habang nagtala ng pinagsamang 10 points sa fourth period.
Ang pagkatalo ay ikatlong sunod ng Converge para mahulog sa 1-3 kartada.
Sinikap nina Alec Stockton (15 points) at Jerrick Balanza (14 points) na bigyan ng sapat na suporta si Arana subalit sadyang ayaw papigil ng Blackwater sa pagkakataong ito sa kabila na nag-a-adjust pa rin ang Bossing sa sistema ni coach Jeffrey Cariaso sa pamamagitan ni deputy Joe Silva.
“We’re adjusting, it’s an adjustment,” pag-aamin ni McCarthy. “We ‘re just trying to find some consistency. We just wanna build on our victories and take the good things that we did and bring it to our next game.”
-CLYDE MARIANO