Mga laro ngayon:
(Dumaguete City)
5 p.m. – Magnolia vs
Rain or Shine
SUMANDAL ang Blackwater sa mainit na simula sa fourth quarter upang maitakas ang streak-extending 89-82 win kontra Meralco sa PBA On Tour nitong Biyernes sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Nagpasabog ang Bossing ng 14-4 blast sa opening minutes ng final canto upang itarak ang 85-74 kalamangan tungo sa kanilang ikatlong sunod na panalo at 6-3 kartada sa preseason series.
Nagbuhos si Troy Rosario, unti-unti nang naibabalik ang dating porma mula sa knee injury, ng 21 points, tampok ang isang dagger basket na umapula sa late rally ng Bolts.
“Inaalagaan ko pa rin ang sarili ko at may mga aches and pains pa, Hopefully pagdating ng season wala na totally,” sabi ni Rosario, na gumawa rin nang malaki sa panalo ng Blackwater kontra Phoenix, 92-90, at San Miguel Beer, 103-101.
Nag-ambag si Mike Digregorio ng 16 points, kabilang ang lima sa breakaway, habang nagdagdag sina Rashawn McCarthy ng 15 at Rey Suerte ng 9 para suportahan si Rosario.
Ang pre-season performance ay nagbibigay ng lakas sa Bossing, na nasa transition sa ilalim ni coach Jeff Cariaso.
“We’re on the right track,” ani Rosario.
“Since nag-take over si coach Jeff, naging maganda ang nira-run ng practices namin at nagso-show sa game.
May mga lapses pa rin sa offense at defense but kaya naman tayo andito sa PBA on Tour para makita mga iyon.”
Nanguna sina Raymond Almazan, na may 18 points at 14 rebounds, at Bong Quinto, na may 18, para sa Meralco.
–CLYDE MARIANO
Iskor:
Blackwater (89) – Rosario 19, DiGregorio 16, McCarthy 15, Suerte 9, Ilagan 8, Torralba 5, Ular 4, Escoto 4, Ayonayon 3, Publico 2, Amer 2, Sena 0, Banal 0.
Meralco (82) – Almazan 18, Quinto 18, Hodge 10, Maliksi 7, Pasaol 7, Johnson 7, Black 6, Dario 6, Torres 3, Jose 0, Rios 0, Pascual 0.
QS: 20-23, 47-45, 71-70, 89-82.