BOXING, BILLIARDS CHAMPS PARARANGALAN NG PSA

PINANGUNGUNAHAN ng dalawang world champions sa boxing at billiards ang listahan ng major awardees na pararangalan sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Awards Night, tatlong linggo mula ngayon sa grand ballroom ng Manila Hotel.

Sina pool icons Rubilen Amit at Carlo Biado, kasama sina boxing champions Melvin Jerusalem at Pedro Taduran ang tatanggap ng major awards mula sa pinakamatagal na media organization sa bansa na magbibigay-pugay sa pinakamahuhusay ng 2024‘ sa traditional awards presentation nito sa Jan. 27.

Sa wakas ay nagwagi si Amit sa WPA Women’s World 9-Ball Championship noong nakaraang taon, na sinundan ni Biado sa paghahari sa WPA Predator World 10-Ball Championship, habang nangibabaw si Jerusalem bilang WBC mini-flyweight king, at nabawi ni Taduran ang IBF minimumweight crown.

Bukod sa kanila, anim na iba pa ang pagkakalooban ng major awards sa star-studded affair na co-presented ng ArenaPlus, Cignal, at Media Quest.

Ang anim ay kinabibilangan nina Daniel Quizon (chess), Rianne Malixi (golf), Tachiana Mangin (taekwondo), John Alvin Guce (horse racing), Batang Manda (horse racing), at Benhur Abalos (horse racing).

Si gymnast Carlos Yulo, nagwagi ng unprecedented double gold medal para sa Pilipinas sa Paris Olympics, ang tatanggap ng 2024 Athlete of the Year award, na nagsisilbing highlight ng pinakamalaking PSA Awards Night sa kasalukuyan sa pagtataguyod ng major sponsors Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, PLDT/Smart, Senator Bong Go, at Januarius Holdings, at suportado ng PBA, PVL, 1-Pacman Party List, AcroCity, Rain or Shine, at Akari.

Sina Amit at Biado ay kapwa one-time recipients ng Athlete of the Year honor noong 2009 at 2016, ayon sa pagkakasunod.

Si Quizon ay gumawa ng marka sa chess noong nakaraang taon nang maging ika-17 Grandmaster ng bansa sa 45th World Chess Olympiad sa Hungary, habang nanalasa si Malixi sa Women’s Australian Master of the Amateurs, at pagkatapos ay natamo ang back-to-back triumphs sa US Girls’ Junior at sa US Women’s Amateur upang umangat sa No. 5 sa World Amateur Golf Rankings.

Nagwagi naman si 16-year-old Mangin ng gold sa women’s -49kgs ng World Taekwondo Juniors Championships sa Chunchon, South Korea.

Samantala, kuminang ang trio nina Guce, Batang Manda, at Abalos sa mundo ng horse racing.

Si Guce ay itinanghal na Jockey of the Year, si Batang Manda ay Horse of the Year, kabilang ang pagwawagi ng prestihiyosong Philracom-PCSO Presidential Gold Cup sa Metro Turf Club sa Malvar, Batangas, habang nakopo ni Abalos ang Horse Owner of the Year award.