MALAKAS ang pakiramdam ni Rey ‘Tata Rey’ Briones ng Spartans R&B Gamefarm na muli niyang masusungkit sa ika-apat na pagkakataon ang kampeonato sa World Slasher Cup.
Underdog dahil 4-1 (win-loss) lamang ang kanyang iskor sa pagpasok ng grand finals, maituturing na isang sorpresa ang pagkapanalo ni Tata Rey, na itinanghal na solo champion sa iskor na 7.5 sa katatapos lamang na World Slasher Cup 2 sa makasaysayang Smart Araneta Coliseum.
Marami ang nagulat sa pagkapanalo niyang ito dahil nangunguna sa talaan na may perfect 5-0 (win-loss) sa pagpasok sa finals ang dalawang entries ni defending champion Frank Berin at isang entry ni sabong idol Patrick Antonio. Marami rin ang hindi nakaaalam na may sosyo siya sa Greengold Uno entry kung kaya lagi itong nadedehado sa pusta at tawagan.
“Papunta pa lang ako rito sa Araneta, I have the feeling na bubuwenasin ako. I’m looking for a clue. Everytime na may nakikita akong numbers, ina-add ko ‘yung lucky number ko na 29. Sa may entrance [ng Araneta Coliseum] may nakita akong 5, 15, 1, 8 tapos in-add ko 29, so, sabi ko that’s my number,” kuwento ni Tata Rey nang ating makapanayam, ilang minuto bago siya pormal na maideklarang solo champion madaling araw ng Linggo.
Ayon sa kanya, wala nang nagdodomina sa pagmamanok sa ngayon, lalo na sa laban, dahil halos karamihan ng mga breeder at sabungero ay magagaling nang magmanok. Para sa kanya, pasuwertihan na talaga ang labanan sa ngayon.
“It just so happened na parang feeling ko panahon ng suwerte ko ngayon,” sabi pa ni Tata Rey.
Kamakailan lamang ay nag-double champion si Tata Rey sa 7-cock derby ng Manila Cockers’ Club (MCC), kung saan may tig-anim na panalo at isang talo (6 wins-1 loss) ang kanyang dalawang entries. Tapos nitong Mayo 1, muli na naman siyang nag-double champion sa 4-cock derby sa Doña Remedios Trinidad Cockpit sa Bulacan.
“Sabi ko, ito na siguro ‘yung time ko. Kaya nag-entry na ko [sa World Slasher], sabi ko idiretso na natin ‘to sa Araneta. Normally, dalawang beses na akong nag-pass dito, hindi ako nag-entry,” ani Tata Rey.
Unang nagkampeon si Tata Rey sa World Slasher Cup noong 2003, pagkatapos ay nag-back-to-back champion siya noong 2011 at 2012.
Hindi muna sumali si Tata Rey sa World Slasher Cup 1 noong Enero dahil halos bullstag pa lamang ang kanyang mga mandirigma ng mga panahong iyon.
“Baka sa May pa ako sasali kasi sobrang bata pa ng mga panlaban ko, pahihinugin pa natin nang kaunti,” sabi ni Tata Rey nang ating makakuwentuhan bago ang World Slasher Cup 1.
“Actually, 22 months lang ‘yung mga ginamit ko ngayon, kaya lang may palo, so sabi ko, kung suwerte ka ‘pag may palo, puwede talaga ‘yan. Pero ang maganda naman, kahit 22 months lang sila, na-prepare ko sila ng 3 months. Nakahanda talaga,” wika pa ni Tata Rey.
Aniya, hindi siya gaanong makapagpagulang ng manok dahil nagko-commercial na rin siya.
“Katulad ngayon, 2,000 stags ko, masuwerte na kapag may natirang 3 years. Nasa 2 years old lang talaga ang maturity ko,” ani Tata Rey.
Gamit ni Tata Rey ang kanyang signature line na Spartans Black sa elimination round at Sweater-Roundhead na may 1/4 na Brownred naman ang ginamit niya sa grand finals.
“Sa breeding kasi ay hands on ako, lalo na ‘yung partner kong si Rod Advincula ng Greengold Gamefarm. Nagdi-discuss kami, hinahanap namin ang tamang palo, hinahanapan namin kung ano ang kulang,” aniya.
“’Yung una kong mga manok, parang suicide bomber, ngayon may depensa na sila, may ilag,” dagdag pa niya.
Comments are closed.