(‘Bubble’ kinokonsidera) LAKAN SEASON TATAPUSIN NG MPBL

TULAD ng iba ay sabik na rin ang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) na bumalik sa aksiyon, anim na buwan makaraang pumutok ang pandemya.

Ayon kay Commissioner Kenneth Duremdes, hinihintay na lamang ng MPBL ang go-signal ng pamahalaan upang makabalik ang amateur sports sa dati nitong kinalalagyan bago nanalasa ang COVID-19 noong nakaraang Marso.

“Our (MPBL) founder, Senator Manny Pacquiao, said it’s a must for us to finish the national finals of the Lakan Season,” wika ni Duremdes sa online version ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum kahapon.

Apat na koponan na lamang ang natitira sa torneo — San Juan at Makati sa North division, at  Basilan at Davao Occidental sa South. Ang  best-of-threes ay kapwa tabla sa 1-1.

Ang magwawagi ay aabante sa best-of-five National finals.

Sinabi ni Duremdes na mahigpit na sinusubaybayan ng liga ang sitwasyon, at inamin na tinitingnan ng MPBL ang mga ginagawa ng PBA habang naghahanda ito sa pagbabalik sa aktuwal na kumpetisyon.

Dahil sa estado nito bilang isang professional league, ang PBA, kasama ang Philippine Football League at ang Chooks-to-Go 3×3 League, ay pinayagan nang bumalik sa ensayo sa ilalim ng mahigpit na protocols.

Isinasapinal ng PBA ang mga detalye ng NBA-style bubble nito kung saan lahat ng12 koponan ay mananatili sa kabuuan ng Philippine Cup.

Sinabi ni Duremdes na kinokonsidera rin nila ang kaparehong approach, at idinagdag na ilang local government units ang nagpahayag ng kahandaan na maging host ng final stage ng Lakan Season.

Masusing kinokonsidera ng MBPL ang alok ni dating Senador Jinggoy Estrada na gamitin ng MPBL ang family private property at  resort sa Tanay, Rizal.

“It’s easy for us to set up a bubble-type tournament,” ani Duremdes, at sinabing sa unang araw pa lamang ng aksiyon ay dalawang koponan ang masisibak at ang dalawa ay uusad sa finals.

Subalit binigyang-diin ni Duremdes na kailangan nilang masiguro na magiging maayos ang lahat dahil ang kaligtasan ng mga player at opisyal ang nakataya.

“It’s a big mag-gamble,” aniya.

“You have to be careful because if you fail, the government will might the plug not just on basketball but the other sports as well,” dagdag ng dating MVP sa PBA. CLYDE MARIANO

Comments are closed.