(Bubuksan ng LTFRB)50 DAGDAG NA PUV ROUTES SA METRO

PUV CAPACITY

MAY 50 pang ruta ang bubuksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Metro Manila upang madagdagan ang mga pampublikong sasakyan sa kalsada.

“Sa mga nakaraang meeting po namin, ang pagkakaalam ko po maglalabas po tayo ulit siguro mga around 50 additional routes po ang i-o-open natin. Kung kakayanin po itong linggong ito ilalabas po natin ‘yan,” pahayag ni LTFRB board member Atty. Mercy Jane Paras-Leynes sa isang public briefing.

Nauna rito ay mahigit 100 bus, jeepney, at UV Express routes ang binuksan bilang paghahanda sa muling pagbubukas ng face-to-face classes noong nakaraang buwan.

Inaprubahan ng LTFRB noong nakaraang linggo ang taas-pasahe sa traditional at modern jeepneys, buses, taxis, at transport network vehicle services (TNVS).

Gayunman ay nagpaalala ang LTFRB sa mga pampublikong sasakyan na hindi pa maaaring maningil ang mga tsuper na wala pang panibagong fare matrix o taripa na nakapaskil sa kanilang mga sasakyan.

Ang pagtaas ng pamasahe ay magsisimula sa October 3, 2022.

Ayon sa LTFRB, dapat na nakikita ng mga pasahero ang fare matrix sa kanilang pagsakay upang matiyak na tama ang singil sa kanila ng mga tsuper at konduktor.

Ang mga tsuper at konduktor na hindi susunod o lalabag sa alituntunin ng ahensiya ay mahsharap sa kaukulang parusa.