BUCKS KINALDAG ANG CELTICS

Bucks vs Celtics

NAGBUHOS si Giannis Antetokounmpo ng 32 points at nagdagdag si Khris Middleton ng 23 upang tulungan ang Milwaukee Bucks na matakasan ang bisitang Boston Celtics, 128-123.

Kumamada si Donte DiVincenzo ng career-high 19 points at gumawa si Brook Lopez ng 16 nang palawigin ng Bucks ang kanilang winning streak sa limang laro.

Tumabo si Kemba Walker ng 40 points at kumalawit ng 11 rebounds at nag-ambag si Marcus Smart ng 24 para sa Celtics na nalasap ang ikalawang sunod na pagkatalo at ika-5 sa huling pitong laro. Yumuko ang Celtics sa Detroit noong Miyerkoles ng gabi.

Umiskor si Jayson Tatum ng 17 points makaraang lumiban sa laro noong Miyerkoles dahil sa sore right knee at nagtala si Daniel Theis ng 12 points at 10 rebounds para sa Celtics.

Sinelyuhan ni Antetokounmpo ang kanyang double-double sa third quarter at tumapos na may 17 rebounds. Nagdagdag si George Hill ng 13 points para sa   Bucks, na naiganti ang isa sa kanilang anim na kabiguan ngayong season.

NUGGETS 134, WARRIORS 131

Naisalpak ni Mason Plumlee ang pares ng dunks at naipasok ni Will Barton ang isang back-breaking 3-pointer sa eight-point run sa overtime nang igupo ng  short-handed Denver Nuggets ang host Golden State Warriors sa pamamagitan ng  come-from-behind, 134-131 win noong Huwebes ng gabi.

Naglaro sa dalawang magkasunod na gabi na wala si injured starters Paul Millsap, Gary Harris at Jamal Murray, nakumpleto ng Nuggets ang two-day sweep sa kabila na naghabol ng hanggang 19 points sa first half, 12 points, may 8:44 ang nalalabi sa regulation at sa dalawang magkahiwalay na okasyon sa five-minute extra session.

Tumapos sina Barton na may season-best 31 points at Malik Beasley na may season-best 27 para sa Nuggets.

Nanguna si Alec Burks para sa Golden State na may 25.

Kumamada si Nikola Jokic ng 23 points, 12 rebounds at 8 assists para sa  Denver,  habang nakakolekta si Michael Porter Jr. ng 18 points at season-high 10 rebounds, kumabig si Plumlee ng 15 points at season-high 15 rebounds,  at nagposte si Monte Morris ng 11 points.

PELICANS 138, JAZZ 132

Bumanat si Brandon Ingram ng career-high 49 points at dinaig sa shootout si Donovan Mitchell nang putulin ng host New Orleans Pelicans ang 10-game winning streak ng Utah Jazz.

Naipasok ni Ingram ang limang free throws at na-outscore ng Pelicans ang Jazz,  na natalo sa ikalawang pagkakataon sa 17 games.

Nagdagdag si da­ting Jazz center Derrick Favors ng 21 points at 11 rebounds para sa New Orleans na nanalo sa ika-14 pagkakataon sa 14 games. Umiskor si  E’Twaun Moore ng 16 points, kabilang ang go-ahead layup sa overtime, tumipa si Nickeil Alexander-Walker ng 12 at nag-ambag si Frank Jackson ng 10.

SUNS 121,

KNICKS 98

Tumabo si Devin Booker ng 29 points upang pangunahan ang panalo ng Phoenix Suns laban sa host New York Knicks.

Nagbalik si Ricky Rubio mula sa  one-game absence at nagsalansan ng 25 points, 13 assists at 8 rebounds para sa Phoenix.

Tumapos si Deandre Ayton na may season-high 26 points at career-high 21 rebounds.