BUHAY PA ANG CELTICS

Celtics vs Heat2

NAG-INIT ang Boston Celtics sa second half,  at nalusutan ang Miami Heat sa Game 5,  121-108, para manatiling buhay sa NBA playoffs noong Biyernes (US time).

Umiskor si Jayson Tatum ng 31 points at kumalawit ng 10 rebounds habang nagdagdag si Jaylen Brown ng 28 points para sa Celtics na tinapyas ang deficit sa best-of-seven Eastern Conference finals sa 3-2.

Nanguna si Goran Dragic para sa  Heat na may 23 points at nag-ambag si Duncan Robinson ng 20 para sa Miami, na nagtatangkang umabante sa NBA finals sa unang pagkakataon magmula noong 2014.

Nahaharap sa pagkakasibak, ang  Celtics ay nagpasabog ng 41 points sa third quarter upang baligtarin ang sitwasyon sa larong maagang nadominahan ng Miami.

Sa harap ng matinding depensa ng Heat, naipasok ng Celtics ang isa lamang sa kanilang unang 12 tira at naikonekta ang lima sa 20 mula sa field sa first quarter.

Naghabol ang Boston ng hanggang 12 sa opening period, na nagwakas na abante ang  Heat sa 26-18.

Muling naitarak ng Miami ang 12 puntos na kalamangan sa second period at tinapos ang  first half na may 58-51 lead.

Sa second half ay nagsimulang mag-init ang Boston at unti-unting tinapyas ang kalamangan sa gitna ng panlalamig ng Heat.

Isang 3-pointer ni Marcus Smart ang nagtabla sa iskor sa 60-60 at kinuha ng Boston ang kalamangan sa unang pagkakataon, 62-60, sa layup ni Brown mula sa pasa ni Kemba Walker.

Lumobo ang bentahe ng Boston sa 10 sa tres ni Walker, may 4:26 ang nalalabi sa third quarter.

Sisikapin ng Celtics na makuha ang momentum laban sa Heat na determinadong tapusin ang serye sa Game 6 sa Linggo (US time).

Ang magwawagi ay makakasagupa ng Los Angeles Lakers o Denver Nuggets para sa NBA title sa quarantine bubble sa Orlando, Florida.

Abante ang Lakers, 3-1, sa Western Conference finals.

Comments are closed.