ISINUSULAT natin ito, napakataas pa rin ang mga kaso ng COVID sa bansa.
At para matugunan ang patuloy na paglobo ng bilang nito, gayundin ang iba pang malulubhang karamdaman, tiniyak natin sa Senado, sa pangunguna ng ating komite, ang Senate Committee on Finance, na nagbuhos tayo ng pondo para sa mga ospital ng gobyerno.
Sa mahigit P5 trilyong budget ngayong taon, naglagay po tayo ng dagdag na pondo sa specialty hospitals para mapalakas ang kanilang kakayahan sa paggamot sa mga pasyente ng COVID at sa iba pang matinding karamdaman.
Para po sa UP-PGH, tumanggap sila ng dagdag-pondo na umaabot sa P510 milyon. Ito ay para mapaglaanan nila ng kaukulang budget ang pagsasaayos ng kanilang mga pasilidad at makabili ng mga bagong kagamitan.
Para sa kanilang Central Intensive Care Unit, mayroon silang P169.7 milyong pondo, habang P130 naman ang alokasyon para sa kanilang Dual Plane Angiogram Suite. Itutuon nila ang mga pondong ‘yan para sa mga pasyenteng sasailalim sa cardiac at vascular procedures.
Para sa rehabilitasyon ng PGH Nurse’s Home Building o ang kanilang “Bahay Silungan”, may pondo itong P120 milyon. Ito ang magsisilbing pansamantalang tuluyan ng PGH healthworkers at ng ilang transient patients. Base po ‘yan sa mismong kahilingan ni PGH Director Dr. Gap Legaspi.
Para naman po sa East Avenue Medical Center, mayroon silang P656.8 milyong pondo para sa upgrading ng kanilang pasilidad at mas mapalakas ang kanilang serbisyo sa mamamayan.
Kabilang diyan ang P127.6M para sa konstruksiyon ng kanilang Multispecialty Catheterization Laboratory; P60M para sa CT Scan machine; P58 milyon para makabili ng makabagong neurosurgical equipment at para sa renovation at upgrading ng iba’t iba nilang pasilidad.
Ang Lung Center of the Philippines (LCP) naman, nakatanggap ng karagdagang pondo na P75 milyon. Ito ay para mas mapunan ang mga kinakailangang gamutan ng mga pasyenteng may lung cancer at iba pang sakit sa baga.
At para masuportahan ang taunang screening ng hanggang 400 pasyente, naglaan din tayo ng karagdagang P25-M. Layunin natin dito na magkaroon ng early detection sa mga pasyenteng posibleng may lung cancer.
Naglaan naman tayo ng halagang P30-M para sa kanilang Hospital Information System dahil ayon nga kay Dr. Vincent Balanag, direktor ng LCP, 10 taon na ang kanilang IT system. Kailangan na talagang sumailalim sa upgrading.
Ang Philippine Children’s Medical Center (PCMC) naman ay mayroong P8.5 milyon bilang pagtalima natin sa kanilang pakiusap na mapagkalooban ng medical assistance ang mga batang may congenital heart disease na nangangailangan ng agarang operasyon.
Kung pagbabasehan natin ang estado ng government hospitals sa mga panahong ito, talagang obvious naman na hindi nila kakayanin ang kasalukuyang sitwasyon kung nangangapa sila sa pondo. ‘Yan ang dahilan kung bakit sa pagpasa natin ng 2022 national budget, siniguro natin na magiging prayoridad ang pagpapalakas sa kanila sa pamamagitan ng nauukol na pondo para tiyak na agaran silang makatutugon sa mga pangangailangang medikal ng publiko lalo na ngayong panahon ng COVID.