“ANG buong daigdig at ang lahat ng naroon, ang may-ari’y si Yahweh na ating Panginoon.” (Awit 24:1)
Taong 2022 na! Palapit na nang palapit ang pagbabalik ng Panginoong Jesu-Cristo. Nangako siyang babalik para maghari sa sanlibutan na may katuwiran. ‘Pag nangyari iyon, magiging maliwanag na ang kayamanan sa lupa ay hindi totoong kayamanan; madaling mawala ito. Ang totoong kayamanan ay matatag dahil hindi ito nawawala; ito ang kayamanang nagmumula sa Panginoon. Ang may-ari ng lahat ng kayamanan, sa langit man o sa lupa, ay ang Diyos dahil Siya ang maylikha nito. Ang orihinal na plano ng Diyos ay maging katiwala ng Diyos ang sangkatauhan sa lahat ng kayamanan dito sa sanlibutan at sumusunod sila sa Kanyang mga tuntunin kung paano pamamahalaan at pararamihin ang mga ito. Subalit dahil nakinig ang ating unang magulang sa tukso ng kaaway at lumabag sa kalooban ng Diyos, nawala sa kamay ng tao ang pamumuno sa mga kayamanang ito. Napunta sa kamay ng kaaway ang kapamahalaan sa mga kayamanan sa lupa. Ang kaaway ay isang “usurper” o magnanakaw ng posisyong may-ari. Nangangako ang kaaway ng masamang kayamanan sa sinumang sasamba sa kanya. Nang nasa sanlibutan si Jesus, tinukso siya ng kaaway at sinabi sa kanya,“Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihan at kadakilaan ng mga ito. Ipinagkaloob ang lahat ng ito sa akin, at maaari kong ibigay kung kanino ko gusto. Kaya kung ako’y sasambahin mo, magiging iyo na ang lahat ng ito.” (Lucas 4:6-7). Subalit tinanggihan ni Jesus ang kayamanan at kapangyarihang inaalok ng kaaway.
Ganito pa rin ang ginagawa ng kaaway sa panahon ngayon. Tinutukso niya ang maraming tao na sumamba sa kanya at sumunod sa kanyang mga masasamang gawain gaya ng krimen, pagnanakaw, korupsiyon, panloloko, at iba pang masamang paraan, at nangangako siyang payayamanin ang susunod sa kanyang paraan. Dahil marami ang nalilinlang niya, ang mundo ngayon ay puno ng kaguluhan at pananakit sa kapwa.
Nakalulungkot isipin na ignorante ang maraming tao sa mabuting kalooban ng Diyos. Mahal ng Diyos ang sangkatauhan at may magandang plano Siya para sa kanila. Ang ibig ng Diyos ay maranasan ng sangkatauhan ang buhay na walang hanggan at masaganang buhay. Sinabi ni Jesus, “Ako ay naparito para magkaroon sila ng buhay, buhay na may kasaganaan.” (Juan 10:10). Akala ng maraming tao ay gusto ng Diyos na dumanas sila ng kahirapan at karalitaan na para bagang ang karalitaan ay banal. Mali ang akalang ito. Ang totoo, gusto ng Diyos na pagpalain ang sangkatauhan. Ang sabi niya, “Walang maghihirap sa inyo sa lupaing ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh sapagkat tiyak na pagpapalain niya kayo…Nangako si Yahweh na kayo’y pagpapalain niya. Hindi na kayo mangungutang kaninuman, sa halip ay kayo ang magpapautang sa maraming bansa. Hindi kayo masasakop ng sinuman, sa halip ay kayo ang mananakop sa maraming bayan.(Deuteronomio 15:4-6).
Para maranasan natin ang tunay na kayamanan, dapat ay sundin natin ang kalooban ng Diyos. Mayroon Siyang itinurong mga prinsipyo ng pananalapi na dapat ay sundin natin. Dapat ay maging masipag tayo sa pagtatrabaho. Dapat ay todo-bigay ang ating paggawa at pagserbisyo sa ating kapwa-tao. Kung magkagayon, babalik nang babalik ang mga customer natin sa atin at patuloy silang tatangkilik sa atin. Kung may boss man tayo, malamang na itataas tayo sa puwesto at kalakip nito ay pagtaas ng ating suweldo. Bawal ang tamad. Lahat ng mga taong husto ang pangangatawan ay dapat maghanap-buhay at kumita. Huwag kang maging mukhang libre. Hindi yumayaman ang mga mukhang libre. Ang kinakain ng tao ay dapat galing sa trabaho. Pag kumikita ka na, huwag mong gagastusin ang lahat; tiyakin mong mayroon kang naiipon nang hindi kukulangin sa ikapu (10%) ng iyong kita. Dapat ay hindi maluho. Huwag kang magiging gaya ng “one day millionaire.” Mali ang buhay na “ubos-ubos biyaya, pagkatapos ay tunganga.” Maganda ang buhay simple at matipid. Karunungan ito. Dapat bahagi ng iyong kita ay gagamitin mong pagsamba sa Diyos at pantulong sa kapwang nangangailangan. Ang 10% ng iyong kita ay dapat para sa Diyos. Kalugud-lugod ito sa Diyos. Ibubuhos ng Diyos ang Kanyang mayamang pagpapala sa mga taong gumagalang at sumasamba sa Kanya at tumutulong sa iba.
‘Pag lumaki na ang iyong ipon, ilagay mo ito sa mga ligtas at matatalinong puhunan. Ang bawat puhunan mo ay manganganak ng kita. ‘Pag marami kang mabuting puhunan, darating ang panahon na ang kita mo ay hindi na nagmumula sa suweldo kundi ay sa iyong mga puhunan. Darating ang panahon na hindi mo na kailangang mamasukan. Magiging isa ka nang Christian Entrepreneur na lumilikha ng trabaho para sa ibang tao at nagbabayad ng buwis sa gobyerno. Magiging malaking pagpapala ka sa lipunan. Dahil sa marami mong pagtulong sa gawain ng Diyos at sa mga taong mahihirap, mayroon kang maraming kayamanan sa langit. Pagbalik ng Panginoong Jesus, napakalaki ng iyong gantimpala. Si Jesus ay maghahari sa sanlibutan at katuwang ka niya sa pamumuno sa bagong mundo.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)