BULACAN- LUMUWAG na ang limitadong paggalaw, transportasyon at regulasyon ng operasyon ng mga industriya sa lalawigang ito makaraang ianunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na isasailalim na ito sa modified general community quarantine (MGCQ) hanggang Hulyo 15.
Gayunpaman, hinikayat ni Bulacan Gov. Daniel Fernando ang mga Bulakenyo na manatili pa rin sa tahanan at isagawa ang minimum health protocols kung hindi maiiwasan ang paglabas.
Sa ilalim ng MGCQ, pinapayagan ang lahat maliban sa nasa edad 21 pababa at 60 pataas, may immunodeficiency, comorbidity, at buntis, na lumabas sa kanilang tahanan ngunit para lamang sa pagkuha ng kinakailangang produkto at serbisyo.
Maaari ng bumalik sa pisikal na pagpasok sa buong kapasidad ng operasyon ang trabaho sa mga pampubliko at pribadong tanggapan.
Sa transportasyon, pinapayagan ang operasyon ng limitadong pampubliko at pribadong transportasyon.
Gayundin, kabilang sa mga industriya na pinapayagan na ang operasyon sa 100% kapasidad ang agrikultura, food industry, healthcare, logistics, water, energy, internet, ang media, mining at iba pang manufacturing, electronic companies, repair and maintenance, housing and office services, financial services, at BPOs at iba pa. MARIVIC RAGUDOS
Comments are closed.