BULLS ‘DI NAKAPORMA SA NETS

TUMIRADA si Kevin Durant ng game-high 27 points at nagdagdag si James Harden ng 25 points at 16 assists upang bitbitin ang bisitang Brooklyn Nets sa 138-112 panalo laban sa Chicago Bulls sa duelo ng top two teams sa Eastern Conference.

Isang 22-0 run sa third at fourth quarters ang naglipat ng bentahe sa Brooklyn, na naiganti ang 23-point defeat sa Chicago noong Nov. 8 at ang four-point home loss sa Bulls noong Dec. 4.

Umiskor si Patty Mills ng 21 points para sa Nets, at tumipa si Day’Ron Sharpe ng 20. Nanguna si Zach LaVine para sa  Bulls na may 22 points. Nagdagdag si Kyrie Irving ng 9 points sa kanyang ikatlong laro ngayong season.

Tumapos si DeMar DeRozan na may 19 points para sa  Bulls, na gumawa ng  17 turnovers habang hinayaan ang season high sa points.

CAVALIERS 111,

JAZZ 91

Nagbuhos si Lamar Stevens ng career-high 23 points at tumipa si Lauri Markkanen ng 20 nang ipalasap ng Cleveland sa Utah ang ika-4 na sunod na kabiguan nito sa isang hindi inaasahang blowout victory sa Salt Lake City.

Naipasok ni Stevens, sumalang sa laro na may average na 4.5 points, ang 10 sa 15 shots overall. Umiskor siya ng 15 sa decisive third quarter nang malamangan ng Cleveland ang Jazz sa pamamagitan ng 21-0 run.

Gumawa si Jordan Clarkson ng 22 points mula sa bench para sa Jazz, na hindi nakasama ang walong players, kabilang sina big men Rudy Gobert at Hassan Whiteside. Nagdagdag si Donovan Mitchell ng 17 points subalit nahirapan sa floor — 6 of 16 shots. Si Mike Conley ang isa pang Jazz starter na nagtala ng double digits na may 12 points.

KINGS 125,

LAKERS 116

Sumandig ang Sacramento sa 24-3, third-quarter flurry upang kunin ang kalamangan at tinampukan ni De’Aaron Fox ang 29-point performance sa pamamagitan ng key jumper upang mapigilan ang late Lakers rally tungo sa panalo ng Kings.

Pinutol  ng Kings ang five-game losing streak at tumapos na may 2-2 record sa season series laban sa Lakers. Nakakolekta si Harrison Barnes ng  23 points, nagdagdag si Marvin Bagley III ng 16, gumawa sina Chimezie Metu at Tyrese Haliburton ng tig-14 at kumubra si Buddy Hield ng 10 mula sa bench sa balansiyadong atake ng Kings.

Nagbuhos si LeBron James ng game-high 34 points para sa Lakers, na natalo ng dalawang sunod makaraang manalo ng apat na sunod. Sinuportahan ni Malik Monk si James na may 22 points, karamihan ay nagmula sa  6-for-9 shooting mula sa tres.

CELTICS 119,

PACERS 100

Nagtala sina Jaylen Brown at Jayson Tatum ng pinagsamang  67 points at nakumpleto ng Boston ang home-and-home sweep sa Indiana sa Indianapolis.

Kumabig si Brown ng 34 points, nagposte si Tatum ng 33 at nag-ambag si Dennis Schroder ng 23 para sa Boston, na nakopo ang ikatlong sunod na panalo makaraang bumuslo ng impresibong 51.3 percent (40-of-78). Umangat ang Celtics sa 6-0 all-time nang kapwa umiskor sina Tatum at Brown ng hindi bababa sa 30 points.

Kumamada si Myles Turner ng 18 points upang pangunahan ang  Pacers. Nagdagdag si Domantas Sabonis ng 17 points at kumubra si Caris LeVert ng 16 para sa Indiana, na nabigo sa walo sa siyam sa overall.

Sa iba pang laro, nasingitan ng Rockets ang Spurs, 128-124; dinispatsa ng Wizards ang Magic, 112-106; kinatay ng Heat ang Hawks, 115-91; namayani ang Hornets sa 76ers, 109-98; at pinadapa ng Knicks ang Mavericks, 108-85.