NAGBUHOS si DeMar DeRozan ng season-best 38 points sa 15-of-23 shooting at nagtala si Lonzo Ball ng season high with 27 points upang tulungan ang bisitang Chicago Bulls na putulin ang eight-game losing streak laban sa Los Angeles Lakers sa pamamagitan ng 121-103 panalo noong Lunes ng gabi.
Ito ang ikalawang malaking outing ni DeRozan, na kumana ng 35 points sa 12-of-16 shooting sa 100-90 panalo kontra Los Angeles Clippers noong Linggo.
Napantayan ni Ball ang kanyang season high na pitong 3-pointers at 10 of 13 mula sa field at nagbigay rin ng 8 assists at kumalawit ng 7 rebounds para sa Bulls.
Nagpakawala si Zach LaVine ng anim na 3-pointers sa pag-iskor ng 26 points at nagdagdag si Derrick Jones Jr. ng 13 points sa 6-of-7 shooting para sa Chicago, na tinalo ang Lakers sa unang pagkakataon magmula nang maitala ang 118-110 road win noong Nov. 20, 2016.
Umiskor si Talen Horton-Tucker ng career-high 28 points at nagdagdag si Russell Westbrook ng 25 points, 8 assists at 6 rebounds para sa Lakers, na 8-7 lamang sa kabila na sinimulan ang season na 12 of 15 sa home. Hindi ulit naglaro si LeBron James (abdominal strain) para sa ika-7 sunod na laro.
CELTICS 98,
CAVALIERS 92
Tumirada si Jayson Tatum ng 23 points para pangunahan ang bisitang Boston sa panalo kontra Cleveland.
Nakakolekta si Al Horford ng 17 points at 9 rebounds para sa Celtics, na bumawi makaraang masayang ang 19-point lead sa 91-89 pagkatalo sa Cleveland noong Sabado. Umiskor sina Marcus Smart at Dennis Schroder ng tig-14 points at nagdagdag si Grant Williams ng 11 mula sa bench upang ibigay sa Boston ang ika-5 panalo sa pitong laro.
Naitala ni Ricky Rubio ang 26 sa kanyang 28 points sa second half para sa Cavaliers. Ipinasok si Rubio sa starting lineup at ginawang center si rookie Evan Mobley kapalit ni Jarrett Allen, na hindi nakapaglaro dahil sa non-COVID illness.
KINGS 129,
PISTONS 107
Tumipa si Buddy Hield ng 22 points mula sa bench at pinutol ng Sacramento ang four-game losing streak sa pamamagitan ng panalo kontra Detroit.
Nagdagdag si De’Aaron Fox ng 19 points, 9 assists, 6 rebounds at 3 steals para sa Kings, habang umiskor din si Richaun Holmes ng 19 points at humugot ng 9 rebounds. Nagposte si Tyrese Haliburton ng double-double na may 17 points at 10 assists, gayundin si Chimezie Metu na may 16 points at 10 rebounds.
Pinangunahan ng 28 points ni Saddiq Bey ang Detroit sa opener ng five-game homestand. Nagbuhos si Cade Cunningham, ang top pick sa draft, ng career-high 25 points, kasama ang 8 rebounds at 8 assists.
Ang iba pang resulta: Grizzlies 136, Rockets 102; Wizards 105, Pelicans 100; Knicks 92, Pacers 84; Trail Blazers 118, Raptors 113; Heat 103, Thunder 90; Suns 99, Timberwolves 96; Hawks 129, Magic 111 Mavericks 111, Nuggets 101.