BUWENAS NA TAMBALAN  NG POC AT ASICS

Abraham Tolentino

MULING senelyuhan ng Philippine Olympic Committee (POC) ang pakikipagtambalan sa ASICS Philippines para sa Team Philippines na sasabak sa Tokyo Olympics.

Sa isang virtual press conference kahapon, nilagdaan nina POC president Abraham ‘Bambol’ Tolentino at SONAK Group of Companies Chief Technology Officer Kabir Buxani ang tambalan na muling nagtatakda sa Asics bilang opisyal na sports apparel ng buong delegasyon ng bansa sa Tokyo Olympics na nakatakda sa Hulyo 23 hanggang Agosto 13.

“May kasamang suwerte ang Asics,” pahayag ni Tolentino patungkol sa naging tambalan na nagresulta sa overall championship ng Team Philippines sa 2019 Southeast Asian Games.

“’Yung iba nga ‘di ba naniniwala na susuwertihin ‘pag nagsuot ng polka dots. Maybe, again, and’yan pa ‘yung buwenas ng partnership ng Asics at POC. Naniniwala kami na may halong (buwenas). Maganda ‘yung partnership… Sana ‘wag magsawa ang Asics na mag-supply for the needs of the Filipino athletes,” ani Tolentino.

Ayon kay Buxani, bahagi ng sponsorship ng Asics ang pagbibigay ng kasuotan – training, competition, luggage at accessories, kabilang na ang sapatos – sa mga miyembro ng Team Philippines.

“A lot of them are tailor-made based on the sport, to help them achieve the best,” sambit ni  Buxani.

Kabuuang 19 atleta ang miyembro ng Team Philippines sa Tokyo Games na kinabibilangan nina pole vaulter EJ Obiena; gymnast Carlos Yulo;  sprinter Kristina Knott;  boxers Carlo Paalam, Eumir Marcial, Irish Magno, at  Nesthy Petecio; golfers Juvic Pagunsan, Yuka Saso, at Bianca Pagdanganan; judoka Kiyomi Watanabe; rower Cris Nievarez; shooter Jayson Valdez; skateboarder Margielyn Didal; swimmers Luke Gebbie at Remedy Rule; taekwondo jin Kurt Barbosa; at weightlifters Hidilyn Diaz at Elreen Ando.

“We are excited and honored to partner with the Philippine Olympic Committee as the footwear and apparel partner and are in a unique position as the official outfitter and footwear for Philippine delegation for the Tokyo Olympics,” pahayag ni Buxani. EDWIN ROLLON

3 thoughts on “BUWENAS NA TAMBALAN  NG POC AT ASICS”

Comments are closed.