KUMAMADA si Jimmy Butler ng 17 points, 10 rebounds at 6 assists, at sumandal ang fifth-seeded Miami Heat sa kanilang matinding depensa upang sibakin ang top-seeded Milwaukee Bucks sa playoffs sa pamamagitan ng 103-94 panalo sa Game 5 at kunin ang Eastern Conference semifinal series, 4-1, sa Orlando noong Martes ng gabi (US time).
Hindi naglaro si Bucks star Giannis Antetokounmpo, ang 2019-20 NBA Defensive Player of the Year at paboritong makaulit bilang league MVP, matapos na lumala ang kanyang sprained right ankle sa first half ng Game 4 noong Linggo.
Hinihintay ng Miami ang magwawagi sa isa pang Eastern Conference semifinal series sa pagitan ng second-seeded Toronto at ng third-seeded Boston. Angat ang Celtics sa series, 3-2.
Masaklap ang pagkakasibak ng Bucks makaraang iposte ang best regular-season record ng liga. Samantala, ang Heat ay naging 140th team sa 140 pagtatangka na nanalo sa isang NBA playoff series matapos na itarak ang 3-0 lead.
Nalimitahan ng Miami ang Bucks sa 36.3-percent shooting, kabilang ang third-quarter drought na tumagal ng mahigit anim na minuto. Sa stretch na ito nakalayo ang Heat kung saan isang 3-pointer ni Jae Crowder ang nagbigay sa Miami ng game-high 12-point lead (68-56) sa 3:07 mark ng period.
Sa fourth quarter ay natapyas ng Bucks ang kalamangan ngt Heat sa 91-87 nang bumanat si Brook Lopez ng isang alley-oop dunk, may 2:05 sa orasan. Subalit sumagot si Butler ng dalawang free throws at naisalpak ni Goran Dragic ang isang high-arching jumper sa sumunod na possession upang mapanatili ang kalamangan ng Miami.
Dalawa pang free throws ni Butler, may 46.7 segundo sa orasan, ang nagpalobo sa bentahe ng Heat sa 97-88 at nagselyo sa kanilang panalo.
Tumapos si rookie Tyler Herro na may 14 points, 8 rebounds at 6 assists mula sa bench para sa Heat. Nagdagdag si Dragic ng 17 points at 4 rebounds, habang umiskor si Crowder ng 16 points, kumalawit ng 6 rebounds at kumamada ng apat na 3-pointers.
Tumipa si Khris Middleton ng 23 points, 7 rebounds at 6 assists, ngunit bumuslo lamang ng 8-for-25 at kalaunan ay na-foul out. Umiskor si Donte DiVincenzo ng 17 points at nagsalpak ng tatlong 3-pointers. Nagtala si Lopez ng 15 points at 14 rebounds.
LAKERS 112,
ROCKETS 102
Nagbuhos si Lebron James ng team-high 36 points at naging all-time leader sa NBA postseason wins nang gapiin ng Los Angeles Lakers ang Houston Rockets sa Game 3 ng Western Conference semifinals.
Kinuha ng Lakers ang 2-1 lead papasok na Game 4 ng best-of-seven series sa Huwebes (US time).
Nagdagdag si Los Angeles’ Anthony Davis ng 26 points at game-high 15 rebounds, at pinangunahan ni Rajon Rondo ang fourth-quarter run makaraang simulan ng dalawang koponan ang final period na tabla.
Nakuha ni James ang kanyang 162nd career playoff victory, at nahigitan ang marka na itinala ni Derek Fisher.
“It says that I’ve played with a lot of great teams,” wika ni James sa postgame sa TNT. “It says that I’ve played with a lot of great teammates and some great coaches, in Cleveland, in Miami and now here in Los Angeles.
It doesn’t happen without the supporting cast. It’s why I’m able to sit here with this achievement, but it’s all about the three organizations I’ve been with, the Cavs, the Heat and now the Lakers, because without them, I wouldn’t be in this position.”
Comments are closed.