CAMBODIA SEA GAMES TORCH RELAY GAGANAPIN SA TAGAYTAY CITY SA MARSO 27

ISASAGAWA sa Tagaytay City ang Philippine leg ng torch relay para sa Cambodia 32nd Southeast Asian Games sa Lunes (March 27), ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) President Rep. Abraham “Bambol” Tolentino.

Ang torch relay ay nagsimula nitong Martes (March 21) sa paligid ng World Heritage Site Angkor Wat sa Siem Reap, 45 araw bago ang SEA Games Opening Ceremony sa May 5.

Ang torch relay ay gaganapin sa Tagaytay City BMX and Skatepark malapit sa city hall simula alas-7 ng umaga kung saan iwe-welcome ni Tolentino at ng mga opisyal ng POC si Cambodia’s Ambassador to the Philippines Phan Peuv.

“The POC welcomes the Philippine leg of the torch relay, a solemn ceremony that formally signals Cambodia’s first-time hosting of the SEA Games,” sabi ni Tolentino.

Dadalo rin sa event ang embassy representatives mula sa SEA Games member countries, national athletes, para athletes at Tagaytay City students.

Ang torch relay ay umalis sa Cambodia nitong Miyerkoles (March 22) patungong Vietnam bago didiretso sa Pilipinas. Ang relay ay tutuloy sa Brunei, Indonesia, Timor Leste, Malaysia, Singapore, Thailand, Myanmar at Laos bago bumalik sa Cambodia sa April 27.

Pinangunahan nina Cambodia’s King Norodom Sihamoni at Prime Minister Hun Sen ang torch-lighting ceremony sa sikat na Angkor Wat temple.

Inaasahan ng host country ang 11,453 athletes at officials kung saan magpapadala ang Pilipinas ng mahigit 800 sa 608-event, 38-sport Cambodia Games na magtatapos sa May 16.

Itinakda ng POC ang formal sendoff ceremony para sa Team Philippines sa April 15 sa Philippine International Convention Center.