NANATILING buhay ang Rain or Shine sa PBA Commissioner’s Cup nang pataubin ang NLEX sa knockout game upang kumpletuhin ang playoffs cast.
Nasa bingit ng pagkakasibak, ang Elasto Painters ay nakakita ng liwanag sa kanilang kampanya nang kunin ang huling quarterfinals berth via 110-100 panalo kontra Road Warriors noong Linggo ng gabi sa Philsports Arena.
Maraming naging bayani sa panalo ng Rain or Shine, subalit si Andrei Caracut ang pinaka-kuminang nang bumanat ng career-high performance upang maging unanimous choice bilang Cignal Play-PBA Press Corps Player of the Week para sa Nov. 30-Dec. 4 period.
Nagpasabog si Caracut ng 19 points sa tatlong triples, 7 rebounds at 3 assists na walang turnover sa 25 minutong paglalaro upang tulungan ang Elasto Painters na kunin ang eighth spot at maisaayos ang quarterfinal duel sa guest team at top seeded Bay Area Dragons.
Magkakasunod na naitala ng dating La Salle sniper ang lima sa kanyang total output sa kalagitnaan ng payoff period kung saan bumanat ang Rain or Shine ng 14-2 run upang basagin ang 87-87 pagtatabla at maitarak ang 101-89 bentahe tungo sa panalo.
Si Caracut, napili bilang no. 23 overall sa 2021 draft, ay tumipa rin ng 6 markers, 2 rebounds at 3 assists sa 90-106 loss ng Rain or Shine sa Magnolia, na nagbigay-daan sa knockout duel kontra NLEX.
Sa dalawang laro, ang combo guard ay may average na 12.5 points, 4.5 rebounds at 3.0 assists upang tulungan ang Elasto Painters na makapasok sa playoffs sa unang conference ni comebacking coach Yeng Guiao sa franchise.
Tinalo ni Caracut sina Magnolia’s Ian Sangalang at Barangay Ginebra’s LA Tenorio para sa weekly honor na ipinagkakaloob ng mga regular na nagko-cover sa PBA beat.
CLYDE MARIANO