MAYNILA – MULING tiniyak ni Labor Secretary Silvestre Bello III na kasama ang mga informal worker gaya ng labandera, driver, vendor at kasambahay na maaayudahang pinansiyal ng pamahalaan.
Sa press briefing ng PTV 4’s Laging Handa sa pangunguna ni Presidential Communications and Operations Office Secretary Martin Andanar, sinabi ni Bello na nagsimula na ang kanilang release sa cash aid na P5,000 sa mga formal worker makaraang magsumite ang kompanya ng requirements gaya ng mga listahan na under payroll.
Para naman sa hindi pa nakatatanggap na formal worker, nanawagan si Bello sa mga kompanya na isumite na ang listahan ng mga tauhan na apektado ng Enhance Community Quarantine.
Sakali aniyang matanggap ng DOLE ang listahan, sa loob ng dalawang araw o 48 oras ay matatanggap ng formal worker ang P5,000 assistance.
Para naman sa mga empleyado na ang kompanya ay hindi pa kumikilos, maaari, ayon kay Bello, na dumiretso ito sa DOLE para maproseso ang cash aid.
Habang ang mga informal worker gaya ng tricycle, jeepney at bus drivers, sidewalk vendor, beautician ay tatanggap din ng cash aid.
“Sa informal workers naman, tulad ng tricycle driver, jeepney driver, kasambahay, mga nagtatrabaho sa salon, sidewalk vendor, labandera ay makakuha rin ng ayuda ng gobyerno,” ayon kay Bello.
Batay sa datos, mayroong 18 milyon na informal workers sa bansa.
Magugunitang sa mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Martes ng gabi ay tiniyak nito na aayudahan ng gobyerno ang lahat ng Filipino na ngayon ay apektado ng COVID-19 pandemic.
Comments are closed.