KUMANA si Jaylen Brown ng 23 points at 7 rebounds upang tulungan ang Boston Celtics na kunin ang 2-0 kalamangan sa best-of-seven Eastern Conference finals sa pamamagitan ng 107-94 panalo laban sa Cleveland Cavaliers noong Martes ng gabi.
Umiskor si Terry Rozier ng 18 points, nagdagdag si Al Horford ng 15 points at 10 boards, gumawa si Marcus Morris ng 12 points at tumipa sina Jayson Tatum at Marcus Smart ng tig-11 para sa Celtics, na nagwagi sa Game 1, 108-83.
Humataw si LeBron James ng 42 points, 12 assists at 10 rebounds para sa Cavaliers, upang maitala ang kanyang NBA-record 17th career playoff game na may 30 points at 10 assists.
Nagdagdag si Kevin Love ng 22 points at 15 rebounds, subalit si Kyle Korver (11 points) lamang ang iba pang Cleveland player na umiskor ng dou-ble figures.
Si James, gumawa lamang ng 15 points sa Game 1, ay nagwagi sa limang sunod na East playoff series makaraang matalo sa series opener.
Ang Boston, umangat sa 9-0 sa home ngayong postseason, ay hindi pa natatalo sa best-of-seven playoff series kapag abante sa 2-0.
Nakatakda ang Game 3 sa Sabado sa Cleveland.
Isang 3-pointer ni Smart, may 4:34 ang nalalabi sa third quarter, ang nagbigay sa Celtics ng 72-71 kalamangan makaraang maghabol sila ng 11 pun-tos. Ito ang kanilang unang bentahe matapos na lumamang sa 3-2 sa unang 49 segundo ng laro.
Abante ang Boston sa 84-77 papasok ng fourth quarter.
Isang cutting layup ni Greg Monroe, may 11:14 ang nalalabi, ang nagbigay sa Boston ng 11 kalamangan.
Hindi nakaiskor ang isa man sa dalawang koponan matapos nito hanggang bumanat si James ng isang reverse layup, may 9:08 sa orasan.
Nagkaroon ng tensiyon nang salyahin ni JR Smith ng Cleveland si Horford habang nagda-drive sa basket. Nagtulakan sina Smart at Smith, dahilan para tawagan sila ng technical foul.
Isang jump shot ni Horford, may 2:54 ang nalalabi, ang nagbigay sa Celtics ng 103-89 bentahe.
Abante ang Cavaliers sa halftime, 55-48.
Comments are closed.