CELTICS PINAAMO ANG BULLS

NAGBUHOS si Jayson Tatum ng 32 points upang tulungan ang Boston Celtics na dispatsahin ang determinadong Chicago Bulls nitong Lunes.

Nagdagdag si Grant Williams ng 20 points, umiskor si Jaylen Brown ng 19 at ang 8 ni Al Horford ay kinabilangan ng krusyal na three-pointer, may 25.5 segundo ang nalalabi sa 107-99 home victory ng Boston.

Umangat ang Celtics sa 29-12 matapos ang kanilang unang 41 games sa 82-game campaign.

Samantala, nanatiling dikdikan ang Denver at Memphis sa ibabaw ng West, makaraang gapiin ng Nuggets ang short-handed Los Angeles Lakers, 122-109, at pataubin ng Grizzlies ang San Antonio Spurs, 121-113.

Sa Memphis, ang Grizzlies ay naglaro na wala si top scorer Ja Morant sa ikalawang sunod na laro dahil sa sore right thigh.

Subalit sa 24 points mula kay stand-in Tyus Jones at 16 kay Jaren Jackson, napigilan nila ang late charge ng Spurs.

Nanguna si Tre Jones, ang kapatid ni Tyus, para sa San Antonio na may 18 points at umiskor si Josh Richardson ng 16 para sa Spurs, na naghabol ng hanggang 16 sa first half.