CELTICS RUMESBAK SA 76ERS

NAGBALIK si Joel Embiid sa lineup ng Philadelphia 76ers para sa Game 2 ng Eastern Conference semifinals noong Miyerkoles ng gabi, subalit nakakuha ang host Boston Celtics ng game-high 25 points mula kay Jaylen Brown at nakatabla sa best-of-seven series makaraang maitarak ang 121-87 panalo.

Umabante ang second-seeded Celtics ng 8 points sa halftime at kinontrol ang laro sa third quarter, kung kailan na-outscore nila ang third-seeded 76ers, 35-16, upang kunin ang 92-65 kalamangan papasok sa fourth.

Umiskor si Malcolm Brogdon ng 22 points mula sa bench para sa Celtics, na nagwagi bagama’t tinapos ni leading scorer Jayson Tatum ang laro na may 7 points lamang sa 19 minutong paglalaro.

Nagtala rin sina Marcus Smart (15 points), Derrick White (15) at Grant Williams (12) ng double figures para sa Boston, na naipasok ang 20 sa 51 (39.2 percent) 3-point attempts nito.

Na-sprain ni Embiid, itinanghal na MVP ng liga noong Martes, ang kanyang lateral collateral ligament noong April 20 sa Game 3 ng first-round series ng Philadelphia lAban sa Brooklyn Nets. Hindi siya naglaro sa Game 4, nang makumpleto ng 76ers ang four-game sweep sa Nets. Hindi rin siya naglaro sa 119-115 Game 1 victory ng Philadelphia kontra Boston noong Lunes.

Tumapos si Embiid sa Game 2 na may 15 points at 5 blocks sa loob ng 27 minuto. Nakopo niya ang ikalawang sunod na scoring title sa pag-average ng 33.1 points per game sa regular season.

Nanguna si Tobias Harris para sa Philadelphia na may 16 points. Umiskor si James Harden, nagbuhos ng 45 points sa Game 1, ng 12 sa Game 2. Ang 76ers ay 6 of 30 (20 percent) mula sa 3-point arc.

Umabante ang Celtics sa 28-22 matapos ang isang quarter at pinalobo ang kalamangan sa 12 points — ang kanilang pinakamalaki sa first half— nang ilagay ng 3-pointer ni Al Horford ang talaan sa 50-38, may 4:41 ang nalalabi sa second quarter.

Nagmintis ang 76ers sa 12 sa kanilang 13 3-point attempts sa first half at naghabol sa 57-49 papasok sa third quarter.

Magmula rito ay lumayo na ang Boston at lumamang ng hanggang 36.

Nakatakda ang Game 3 sa Philadelphia sa Biyernes.