CELTICS UNGOS SA WARRIORS SA OT

NAUNGUSAN ng Boston Celtics ang Golden State Warriors, 121-118, sa overtime.

Nag-init sina Jayson Tatum at Jaylen Brown sa huling bahagi ng laro para sa Celtics, na ang ika-8 sunod na panalo — ang isang ito ay kontra koponan na tumalo sa kanila sa NBA Finals noong nakaraang season — upang umangat sa league-leading record 34-12.

Bagaman malamig sina Tatum at Brown sa kaagahan ng laro, naitarak ng Celtics ang 10-point lead sa kalagitnaan ng second quarter.

Subalit humabol ang Warriors at kinuha ang 55-54 kalamangan sa tira ni Stephen Curry mula sa halfcourt logo sa halftime buzzer.

Tila madodominahan ng Warriors ang Celtics sa pag-abante sa hanggang 11 points sa third quarter.

Abante sila ng 9 points sa kaagahan ng fourth, subalit isang running dunk ni Tatum ang naglapit sa Boston sa dalawa, may dalawang minuto ang nalalabi. Bumanat si Al Horford ng isang three-pointer at isang block sa three-pointer ni Brown na nagtabla sa talaan sa 106-106, may 18.6 segundo ang nalalabi sa regulation.

Ang opening basket ni Marcus Smart sa overtime ang nagbigay sa Celtics ng kanilang unang kalamangan magmula sa first half.

Matapos ang isang three-pointer mula kay Curry na nagbigay sa Warriors ng isang puntos na kalamangan, nag-drive si Brown para sa layup na nagbalik sa Celtics sa trangko, may 2:23 sa orasan.

“It was a crazy game,” sabi ni Tatum, na umiskor ng 34 points na may career-high 19 rebounds.

“The fact of the matter is they beat us in the championship, there’s nothing we can do about that,” ani Tatum. “This was a regular-season game against a great team that’s really well coached, and it’s just two tough-minded teams playing against each other.”

Tumapos si Brown, nagbalik mula sa three-game absence dahil sa groin tightness, na may 16 points — kabilang ang 12 sa fourth quarter at overtime.

Nanguna si Curry para sa Warriors na may 29 points habang nagdagdag sina Thompson at Jordan Poole ng tig-24.

Nahulog ang Warriors sa 22-23 overall at sa 5-18 sa road.

Sa iba pang laro ay dinispatsa ng Chicago Bulls ang Detroit Pistons, 126-108, at pinataob ng Minnesota Timberwolves ang Toronto Raptors, 128-126.