CHAMPIONS LEAGUE: PERLAS SPIKERS NAKAISA; CARGO MOVERS ANGAT SA 2-0

NAITALA ng Tuguegarao Perlas Spikers ang kanilang unang panalo sa Philippine National Volleyball Federation Champions League sa four-setter laban sa California Precision Sports (CPS), 25-20, 25-27, 25-15, 25-17, Linggo sa Aquamarine Recreational Center sa Lipa City, Batangas.

Kinuha ng CPS ang second set, subalit nagawang dominahan ng Perlas Spikers ang sumunod na dalawa sa likod nina Nicole Tiamzon at Michelle Morente upang makabawi mula sa four-set loss sa reigning Premiere Volleyball League Open Conference champion Chery Tiggo sa opening day noong Sabado.

Nagbuhos si Tiamzon ng 18 points, kabilang ang dalawang service aces at 12 digs habang kumana si Morente ng dalawang blocks upang tumapos na may 11 points para sa Perlas Spikers.

Batid ang kakayahan ng  CPS, pinaalalahanan ni coach Rei Diaz ang kanyang tropa na ilabas ang kanilang A-game.

“Kami, to give respect sa kalaban namin, hindi namin tinitignan kung sinong team. Kami, naka-mindset kami all out kami. Every game namin championship game. Nakakahanga yung pinakita nung California,” sabi ni Diaz.

Abot-kamay na ng CPS ang panalo sa first set sa second nang maisalba ng Perlas Spikers ang tatlong set points mula kina Tiamzon at Morente upang ilagay ang talaan sa 24-24.

Subalit nagawa ng Antipolo-based CPS na mamayani sa extended second set, 27-25, sa key hits ni Casiey Dongallo.

Nag-regroup ang Perlas Spikers sa sumunod na dalawa habang kumulapso ang batang koponan ng CPS na ang average age ay 18.

Susunod na makakasagupa ng Perlas Spikers  Lunes ng umaga ang Baguio City Highlanders, umaasang muling mananalo para manatili sa kontensiyon sa torneo.

“Magandang opportunity. Kami grab lang namin ‘yung opportunity. Ang goal namin is to give our best every game,” ani Diaz. “Marami pa kaming dapat ensayuhin pero sa ngayon, kung ano ang kaya naming kontrolin ang gagawin naming.”

Nalasap ng CPS, na matikas ding nakihamok sa  F2 Logistics sa kanilang unang laro, ang ikalawang sunod na pagkabigo.

Sa ikalawang laro ay magaan na dinispatsa ng powerhouse F2 Logistics ang  Baguio Lady Highlanders, 25-12, 25-10, 25-6.

Umangat ang Cargo Movers, nagbabalik sa  competitive volleyball makaraang lumiban sa PVL Open Conference sa kaagahan ng taon, sa 2-0.

Makakaharap ng F2 Logistics ang  Petro Gazz sa susunod nilang laban ngayong araw.