CHINESE NATIONAL TUMALON SA IKA-4 NA PALAPAG NG GUSALI

suicide jump

ISANG Chinese national ang nagtangkang magpakamatay makaraang tumalon sa ika-apat na palapag ng isang gusali dahil umano nakatampuhan ang nobyang Pinay kahapon ng mada­ling araw sa Parañaque City.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Yang Zhuang, 20-anyos, customer service ng isang online gaming at pansamantalang naninirahan sa 402 GG Cruz corner Airport Road, Baclaran, Parañaque City.
Ang biktima ay kasalukuyan nang ginagamot sa San Juan De Hospital matapos na ito ay magtamo ng bali sa dalawang binti at leeg.
Ayon kay Police Colonel Rogelio Rosales Jr., hepe ng Parañaque City Police, dakong alas-5:10 ng madaling araw nang tumalon ang biktima mula sa ika-apat na palapag ng Pearl Plaza Building na matatagpuan sa Barangay Tambo,Parañaque City.
Sinabi pa ni Rosales, masuwerteng nakaligtas sa kamatayan ang biktima sa kadahilanan na ito ay bumagsak sa bubong na yero ng isang bahay na nasa tabi ng nasabing gusali.
Base sa imbestigasyon ng pulisya bago naganap ang insidente, ang biktima at ang Pinay (hindi binanggit ang pa­ngalan) na nobya nito ay nagkaroon ng pagtatalo.
Labis umanong dinamdam ng biktima ang pag-aaway nila ng kanyang kasintahan na na­ging dahilan ng tangkang pagpapakamatay nito. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.