CHRISTMAS AND HOLIDAY BLUES: ANG DEPRESSION AT KAPASKUHAN

DOC ZACATE-ZACATERBANG PAYO.jpg

Ilang araw na lang ay sasapit na ang Pasko, halos lahat ay masaya at may ngiti sa mga labi. Halos lahat ay mapagbigay at halos lahat din ay nagsi-celebrate ng mahalagang okasyon kasama ang kanilang pamilya at mga mahal sa buhay, lalo na ang mga kapatid natin sa Romana Katolika. Ngunit ang okasyon na ito ay maaaring trigger sa ilan lalo na ‘yung may dinaramdam at may sakit na depression.

SAKIT NA DEPRESSION OR MAJOR DEPRESSIVE DISORDER

Bago natin talakayin kung bakit nga ba ang selebrasyon ng Kapaskuhan at ng holiday season ay nagbibigay ng “Holiday Blues” at kalaunan ay maaaring makaapekto sa mga taong mayroong depression, mainam munang pag-usapan natin kung ano nga ba ang sakit na depression.

DEPRESSION-5Ang depression ay kasama sa mga sakit na tinatawag na “Mood Disorder”. Ito ay nag­reresulta sa paulit-ulit na kalungkutan at kalaunan ay napupunta sa kawalan ng interes sa sarili at pag-withdraw o pagtanggi sa mga dating activity na pinagkakaabalahan at nagpapasaya sa taong apektado nito. Maaari rin itong magresulta sa maraming problemang emotional at pisikal na puwedeng magdulot ng pangit na performance sa trabaho, pag-aaral o pagbabago kung paano makihalubilo sa mga tao.

Ang sakit na ito ay walang pinipili bata o matanda, babae man o lalaki. Ito ay maaaring maranasan kahit ano mang oras at ayon sa pag-aaral, ang mga taong nasa edad 18 pataas ang average na edad kung kailan maaaring magkaroon nito (source: Anxiety and Depression Association of America)

May mga sakit na mahahalintulad sa presentasyon ng sakit na depression, katulad ng Thyroid Problems, kakulangan sa bitamina, at minsan pati tumor sa utak. Kaya napakaimportante rin na ma-rule out ang mga sakit na ito bago mapunta sa pag-diagnose sa sakit na depression.

MAJOR DEPRESSIVE DISORDER AT “GRIEF” OR KALUNGKUTAN

 Malaki Rin ang pagkakaiba ng sakit na depression sa tinatawag na “grief” o kalungkutan. Ang kalungkutan o grief ay isang normal na pro­seso at unique sa bawat individual na maaaring resulta ng mga sumusunod:

  1. Kawalan o pagkatanggal sa trabaho
  2. Pagkamatay ng isang mahal sa buhay
  3. Pagtapos ng isang relasyon o paghihiwalay sa kasintahan o asawa

Datapwat maraming pagkakahalintulad ang sakit na depression at kalungkutan ng dahil sa mga nabanggit, mayroon din itong pinagkaiba. Sa sakit na depression, ang mga senyales at sintomas ay tumatagal ng higit sa 2 linggo, ngunit sa kalungkutan ito ay maigsi lamang. Sa sakit na depression, ang self-esteem ay mababa o nawawala at may kaakibat na self-worthlessness, ngunit sa kalungkutan ito ay intact.

DEPRESSION, PAANO ITO MA-DIAGNOSE?

Ang depression o Major Depressive Disorder ay nada-diagnose sa pamamagitan ng isang medical at mabusising psychiatric interview, at natutukoy sa pamamagitan ng presensiya  ng mga sintomas at senyales na tumatagal ng 2 linggo pataas base sa criteria na nakasaad sa DSM V. Ito ay ginagawa ng isang psychiatrist.

DEPRESSION, PAANO ITO NAGAGAMOT?

Ang Major Depressive Disorder ay nagagamot sa pamamagitan ng emotional support galing sa mga kaibigan o pamilya, pag-inom ng gamot na para rito. Para sa mga taong mayroong sakit na ito, importante rin ang positive outlook in life. Madali itong sabihin kaysa gawin, sapagkat karamihan sa pas­yente na mayroon nito ay tahimik at kinikimkim lang ang kanilang sakit at nakakitaan na lang ng senyales kapag ito ay malubha na. Sa pakikitungo sa mga taong nagtataglay ng naturang sakit, mahalaga ang mahabang tiyaga at oras, at mainam na pang-unawa mula sa mga mahal sa buhay, kaibigan at kapamilya.

HOLIDAY BLUES AT DEPRESSION

DEPRESSION-6Ang holiday blues ay magkaiba sa sakit na major depressive disorder, ngunit maaaring magdulot ng trigger sa mga taong mayroon ng sakit na ito.

Ang pagsapit ng holiday season ay maaaring maging sanhi ng tinatawag na Holiday Blues, at siya namang maaaring makaapekto sa may sakit na depression. Ang Holiday Blues ay kalungkutan na nararamdaman tuwing sasapit ang holiday season.

Ayon sa PSYCOM.com ang sanhi ng Holiday Blues ay gawa ng stress na dulot ng okas­yon na ito dahil sa expectation sa sarili, at fai­lure na magampanan ang expectations na ito. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

  1. Kalungkutan dahil sa kawalan ng minamahal o pagkamatay ng isang pamilya- Dahil sa nakikita natin sa panahon na ito ay buo ang pamilya ng iba tao at sila ay masaya at naglilibang, hindi maiwasan na ma-miss ang mga tao na sa atin ay nawala o tayo ay nilisan at ito ay maaring maging sanhi ng kalungkutan.
  2. Pinansyal- Ang pangamba na walang pambili ng regalo sa mga inaanak at kapamilya dahil sa walang kasiguraduhang Holiday Bonus ay siyang maa­aring maging source of stress sa mga tao.
  3. Pagpaplano ng mga okasyon- Ang pagpaplano ng mga family gathering o party ng mga kaibigan ay maaaring magbigay ng stress sa ilang tao, lalo na ‘yung mga pagod at puyat sa trabaho o pag-aaral sa eskuwela, ngunit nararamdaman nilang obligasyon nila ito.

ILAN SA MGA SOLUSYON PARA MAIWASAN ANG HOLIDAY BLUES

  1. DEPRESSION-7Babaan ang expectation sa sarili, bumili lamang ng naangkop sa iyong kinikita.
  2. Tandaan na bukod sa pagbibigayan, ang diwa ng Kapaskuhan ay pagmamahalan
  3. Magplano ng advance at iwasan ang mag-rush sa pagpaplano ng family gathering at mag-shopping ng maaga.
  4. Magpahinga at hayaan ang sarili na manumbalik ang lakas bago gumawa ng mga bagay na pagkakaabalahan
  5. Ang Christmas Bonus ay discretionary sa parte ng employer, at depende na rin sa kinita ng isang kompanya, tanggapin po ang legal na aspetong ito at mababawasan ang ating expectations at maiiwasan ang kalungkutan kapag tayo ay wala mang matanggap.
  6. Magkaroon ng oras sa sarili para makapag-reflect at matanggap ang pagkawala ng ating mga mahal sa buhay.
  7. Mag-exercise, sapagkat ang sedentary lifestyle, kapag sinamahan ng sobrang pagkain tuwing holiday occasions ay maaaring makapagpababa ng blood circulation sa ating katawan na siya namang maaaring makaapekto, kung paano tayo nag-iisip.

Kung may katanungan, maaari pong mag-email sa [email protected] o i-like at mag- comment sa Facebook page medicus et legem.

Maligayang Pasko po sa inyong lahat!

Comments are closed.