Ni Riza Zuñiga
Bibilib ka talaga sa Pinoy, masipag sa pagbibilang ng araw bagong magpasko. Ipagdiriwang ang okasyon kahit simple lamang. May panawagan ngang maging payak sa selebrasyon at handa naman ang mga Pinoy para gawun ito.
Sa Paskong Pinoy 2024, katuwang ng Pilipino Mirror ang Home Credit para magbigay saya at para ipagpatuloy ang tradisyong sariling atin, mula sa Simbang Gabi, mga pagkaing Pinoy, mga kinakagawian at mga awiting nagpapatingkad sa pagdiriwang na ito.
Countdown
22–Unang araw ng pagbibilang, unang marka sa ating kalendaryo, araw ng pasasalamat dahil umabot tayo sa taong 2024. Awit para sa ating mga nais pasalamatan, anuman ang kalagayan nila sa buhay ay “Himig Pasko.”
21–Pagmamarka sa kalendaryo, araw ng pagkikipagkapwa-tao. Mayroon ba tayong nakakaligtaang batiin sa opisina o kaya ang mga mahal sa buhay na hindi man lang natin bigyang pansin kahit ordinaryong araw? Isang pagkakataon para pagnilayan ang awit na ito para sa kanila, “Salubungin ang Pasko.”
20–Pagbibigay tanda sa mga dapat punuan natin habang may panahon pa. Minsan maski ang mga sarili natin ay nakakalimutan nating bigyang ng panahong asikasuhin. Lagi na lamang iba ang inuuna natin. Ang sariling kagustuhan ay naisasantabi para unahin ang para sa bunsong kapatid. Isang awit na nagbibigay lunas, “Maligayang Pasko.”
19–Kailangang aminin natin, ito ay nagbibigay ng ngiti sa bawat pagod natin sa trabaho. “Deserve natin,” sabi nga ng ilan. Kaya isang malakas na yehey para sa kantang “Christmas Bonus.”
18–At dahil may bonus na, kukumpletuhin na natin ang ating listahan ng pagbibigyan ng mga regalo. Maaaring magtipid tayo ngunit itutuloy natin ang pagbabahagi ng regalo para sa kapwa natin. Muling buhay na buhay ang awiting “Give love on Christmas Day.”
17–Minsan sumasagi sa isip natin na hindi naman bagay lamang ang magpapasaya sa kapwa natin. Maski ang simpleng pakikinig sa suliranin niya habang kayo ay nagkakape ay malaking bagay na sa kapwa natin. Kahit papaano nabawasan ng bahagya ang dinadala sa dibdib at isang mainam na awitin ay “Jingle Bell Rock.”
16–Bakit nga ba ang pagdiriwang ng Pasko ay nagpapa-alala rin sa mga taong naging mahalaga sa atin? Minsan ay nag-iwan ng kurot sa ating mga puso pero hindi na natin alintana ang sakit sa ngayon, mas mainam ang mga masasayang alaala mula sa taong ito. Isang makabagbag awitin ang nababagay para rito, “Pasko na Sinta ko.”
15–Hayan nga at patuloy na binabalik -balikan ang mga alaala ng lumipas. Hindi maikakaila na ang minsang nagpakilig ay tunay namang nagbigay ng saya sa buhay natin noon. “Sana ngayong Pasko,” isang awit para sa mga nagbabasakali pa.
14–Ang iba ay dito pa lamang magsisimula ng pagdedekorasyon para sa Pasko at pag-aayos sa loob ng kabahayan, lalo pa’t ilang tulog na lang sy simula na nang Simbang Gabi. Bagama’t nag-iiba na ang takdang araw ng pag-aayos ng Belen, Christmas Trees at Lights, ang iba ay pinangangatawanan ang paglilinis sa loob at labas ng bahay. Sa saliw ng awit na “Misa de Gallo,” maghahanda ang Pamilyang Pinoy sa Paskong darating.
13–Isang panata ng Pamilyang Pinoy ang maglaan ng panahon para sa pagdarasal, para sa sariling intensyon, panalangin para sa pamilya at para sa bayan. Dito muling nanamnamin ang himig at titik ng “Oh Holy Night.”
12–Paghahanda na ng mga listahan para sa ihahanda sa Pasko, mula sa mga lulutuing putahe at igagayak na matamis at inumin sa Noche Buena. “Feliz Navidad,” isang awiting maghahatid ng saya para ang lahat ay maganyak na tumulong sa pag-iisip kung ano ang kakaiba para sa taong 2024.
11–Habang papalapit na nga ang Pasko, hindi na mapigilan pa kung alin ang bagay ang magiging bago: sapatos, bag o damit o mobile phone na hiling ng bawat Isang miyembro ng pamilya. Akma ang “Christmas Wish” para dito.
10–Sisimulan na ang bunutan para sa “Monita-Monito.” Ilalantad na ang Christmas Wish ng bawat isa, pati ang hiling ng mga Lolo at Lola ay ipapa-alam na rin. Sasabayan ito ng popular na kanta ni Mariah na “Last Christmas.”
9–Habang inihahanda na rin sa bahay ang mga perang ilalaan para sa mga mangangaroling, pinapatugtog na ang masasayang Christmas Songs sa loob ng kabahayan. “All I want for Christmas is you,” ang mananaig sa simula.
8–Inaayos na rin ang mga paglalaan ng mga aginaldo para sa tumutulong sa kabahayan: sa mga kolektor, tagakuha ng basura, sa mga taga-ayos ng iba’t ibang kable, sa mga kakilalang tagapaghatid ng online delivery, at mga naging kabahagi sa loob ng Isang taon. “Bring me love,” ang awit para dito.
7–Simula na ng Simbang Gabi. Hudyat na ang mga Pinoy ay magsisimula na sa panata at pagkukumpleto ng siyam na araw para sa panalangin at intensyon. Ang iba ay kagagaling lamang sa trabaho at ang iba naman at papasok pa lamang sa trabaho. Muli ang puto bumbong ang bida, na pinapangalawanan ng bibingka. Sa saliw ng awiting, “Ang Pasko ay Sumapit.”
6–Sa bawat guguling panahon para sa Simbang Gabi, dito na isasapuso ng mga Pinoy ang ibinabahagi ng pari sa misa. Napakagandang tradisyon tuwing sasapit ang kapaskuhan, ang bawat Pamilyang Pinoy ay sama-samang nagdarasal. “Ang Diwa ng Pasko” ay mananatiling nasa puso ng bawat Pinoy lalo pa’t may pagpapahalaga sa pagsapit ng kapanganakan ni Hesus sa sabsaban.
5–Magsisimula na ang mga selebrasyon sa paaralan, opisina at iba’t ibang institusyon. Ang taunang pagsasalu-salo, exchange gifts, Christmas program at raffle draw ay tunay na inaabangan ng lahat. Isa lamang ang awiting “Whispering Hope,” na kakantahin para iparinig sa lahat.
4–Ilang araw bago sumapit ang Pasko, nagkakaroon pa ng Christmas Drive ang ilan, para mamahagi ng tulong at regalo. Kaya kahit talamak na, aawitin pa rin “Rudolph, the red- nosed Reindeer,” para magbigay ng kasiyahan sa lahat.
3–Walang pagsidlan ang nadaramang tuwa dahil malapit na nga ang kapaskuhan. Ilang palabas na rin sa Netflix ang napanood na ang mga pelikulang may tema ng kapaskuhan. “Twelve Days of Christmas,” ay paulit ulit na patutugtugin hanggang magsawa na ang lahat sa awiting ito.
2–Hahanapin ang mainit na tsokolateng timpla ni Nanay, habang sinisipat na ang mga regalo sa Christmas tree. Bago nga kaya ito? Pangingitiin kaya ako ni Nanay sa kanyang regalo? Kung minsan, manunukso ang awit, “White Christmas,” ang kakantahin ni Tatay.
1–Kung bakit may panahong ang sarap ng sopas ni Nanay, makakailang-hirit ako, habang hinihintay sina Ate at Kuya galing sa trabaho. May pasalubong kaya sila? Papailanlang ang awiting “My Only Wish,” at bago pa matapos ang kanta, magbubukas na ng bag si Ate sa mga dala-dala niyang bagay na nakuha sa raffle draw.
0–Sa araw ng Pasko, wala nang hihigit pa sa kumpletong pamilya at sama-samang pagdarasal para sa kapakanan ng bawat isa. Hangad ang malusog lahat at malayo sa karamdaman, ligtas na kapaligiran para sa lahat, maayos na tirahan at masaganang pagdiriwang para sa lahat.