CHRISTMAS PARTY AT ANG INTESTINAL AMOEBIASIS

DOC ZACATE-ZACATERBANG PAYO.jpg

Ang Pasko ay may kaakibat na selebrasyon, ito ang panahon ng reunion ng dati mong kaeskuwela, mga kapamilya at kaibigan. Sa mga reunion at Christmas party na ito, dumaragsa ang pagkain na ating pinagsasaluhan bukod pa sa mga regalo, usapan, kumustahan at pag-alala sa mga nakaraan. Masaya, busog ka at mayroong ngiti sa mga mukha, ngunit minsan pag-uwi galing sa mga okasyong ito ay hindi inaasahan at puwede kang magkaroon ng sakit dahil sa ating nakain at isa na rito ang Amoebiasis.

Ang Amoebiasis ay sanhi ng isang mikrobyo na protozoa, hindi ito bacteria o virus, ngunit minsan ay napagkakamalan ito dahil sa pagkakaparehas ng mga nararamdaman o sintomas. Ang protozoa na Entamoeba Histolytica ay isa sa pinaka-common na mikrobyo na nagiging dahilan ng tinatawag na “Amoebic Dysentery”. Naaapektuhan nito ang ating bituka kapag tayo ay nakakain ng mga pagkain o tubig na kontaminado ng nasabing mikrobyo.

Ang sakit na amoebiasis ay lumalabas 2 to 4 weeks pagkatapos tayong mahawaan ngunit may ilang mga kaso na ito ay maaaring maging ilang araw lamang. Ang Amoebiasis ay maaaring asymptomatic o walang ipinapakitang sintomas o nararamdaman kahit na ikaw ay nahawa na. Minsan naman, ito ay may kaakibat na mga sintomas tulad ng pananakit ng tiyan, pagtatae, lagnat, bloatedness at kung minsan ay dumi na may halong dugo at mayroong malansang amoy. Ang dugo sa dumi ay dulot ng pag-atake ng mikrobyong ito sa ating colon (Large intestine), at ito ay maaaring magkaroon ng komplikasyon tulad ng Anemia sa mga pasyente, at minsan ay pagkabutas nito na siya namang nagiging sanhi ng pagkalat ng mikrobyo sa loob ng ating tyan, na kalaunan ay nagiging komplikasyon ng tinatawag na Peritonitis. Ang mikrobyong E. Histolytica ay maaaring makapasok sa ating blood stream, maaaring mapunta sa ating atay na nagiging sanhi ng komplikasyon tulad ng “Liver Abcess” (Nana Sa Atay).

Ang sakit na amoebiasis ay naililipat sa pamamagitan ng Fecal-Oral Route, at nakukuha sa mga pagkain o tubig na kontaminado nito. Kapag ang isang tao ay may Amoebiasis, asymptomatic man o symptomatic, at naghanda ito ng pagkain pagkatapos niyang dumumi at hindi siya naghugas at nag-sanitize ng kamay sa pamamagitan ng 70 percent alcohol, maaaring itong mailipat sa taong kakain ng pagkaing kanyang inihanda.

Bukod pa sa nabanggit, kahit ang isang pagkain ay malinis at walang kontaminasyon, ngunit ang kumukuha naman nito sa isang handaan ay apektado ng sakit ng amoebiasis at hindi niya hinugasang mabuti ang kanyang kamay at hindi nag-sanitize pagkatapos dumumi, maaari ring mahawaan ang mga taong kalaunan ay kukuha ng pagkain na kontaminado ng naturang mikrobyo.

Napakaimportante ng pagiging malinis upang maiwasan ang sakit na ito. Ang paghuhugas ng ating mga kamay pagkatapos nating umihi o dumumi na naaayon sa recommendation ng Department of Health (DOH), at pagsa-sanitize ng ating mga kamay sa pamamagitan ng 70 percent alcohol ay isang mainam na paraan upang hindi kumalat ang sakit na ito.

Ang sakit na Amoebiasis ay nagagamot sa pag-inom ng antimicrobial na inirereseta ng ­ating mga doctor, gayundin ang tamang hydration o pag-inom ng tubig. Ilan sa mga kaso nito ay dapat ma-hospitalize lalo na ‘yung mayroong grabeng simtomas, may kaakibat na grabeng dehydration, o matinding komplikasyon.

Kung may mga katanungan, maaari pong mag-email sa [email protected] o i-like ang fan page na medicus et legem sa facebook.

Comments are closed.