CLASSROOMS SA MARAWI CITY KAPOS

LANAO DEL SUR –  ISANG taon na ang nakalilipas nang sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng Maute-ISIS at militar sa Marawi City na pumatay sa libong katao at sanhi ng pagkawasak ng lungsod partikular ang mga gusali, tulay at maging ang paaralan doon.

Kaya naman problema ng Department of Education (DepEd) ang kakapusan umano ng classrooms at pasilidad para sa mga estudyante ng Marawi City kasabay ng papalapit na pasukan sa pampublikong paaralan.

Sinabi ni Education Usec. Jesus Mateo, hindi agad nakapagpatayo ang pamahalaan ng mga building at paaralan dahil sa mahabang proseso na siyang nagpaantala sa noon pa umano sanang demolisyon ng mga nasira ng giyera.

Tumaas na rin aniya ang halaga ng mga lupa sa siyudad kung kaya mas nahirapan ang kagawaran sa pagbili ng mga lote na siya sanang pagtatayuan ng mga learning centers.

Batay sa panuntunan ng DepEd para sa school year 2018-2019, 35 estudyante kada isang classroom ang ratio para sa mga elementary student; habang 43 naman na mag-aaral ang kada silid-aralan para sa high school.

Ayon sa kagawaran, June 4 ang pagbabalik sa eskuwela ng mga estudyante sa public schools, habang nga­yon ay gugunitain ng mga residente ang ika-isang taon mula nang pumutok ang giyera sa pagitan ng mga militar at Maute-ISIS group sa Marawi City. EUNICE C.

Comments are closed.